BIR, papatawan ng tax ang mga online seller
- BULGAR
- May 10, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 10, 2023
Nanawagan ang isang consumer group sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ibasura ang plano nitong magpataw ng 1% creditable withholding tax sa kalahati ng kabuuang remittance ng mga online platform provider sa kanilang mga partner sellers.
Sinabi ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa isang pahayag na ang panukala ng BIR ay magiging matinding dagok sa mga ordinaryong kumikita, na hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng pandemya.
Nangangamba rin ang pangulo ng UFCC na si Rodolfo Javellana Jr. na ang bagong patakaran ng BIR ay direktang makakaapekto sa maliliit na negosyante na kamakailan lamang babalik mula sa mga taon na halos walang kinikita dahil sa mga hard lockdown noong 2020 at 2021.
Bukod sa 1% withholding tax, ipinahayag din ng Department of Finance (DOF) na isusulong ng departamento sa mga susunod pang taon ang mga bagong buwis tulad ng motor vehicle user’s tax (MVRUT) at karagdagang excise tax sa mga sweetened beverages.
Ang mga binanggit ay karagdagan sa mga naiwang tax reform packages ng administrasyong Duterte, kabilang ang Passive Income and Financial Intermediary TaxaGon Act, value-added tax (VAT) on digital service providers, and excise taxes on single-use plastics and pre-mixed alcohol.
Giit ng pinuno ng UFCC, umaasa ang kanyang grupo na hindi itutuloy ng BIR ang nakaplanong pagpataw ng 1% withholding tax. Aniya, ang nakataya rito ay ang kapakanan ng masisipag na Pilipino na naghahanapbuhay bilang rider, freelancer at online sellers, gayundin ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), na itinuturing na backbone ng ekonomiya ng Pilipinas na nagbibigay ng kabuhayan sa libu-libong manggagawa.
Nananawagan ang UFCC sa mga online selling at services platform providers na maging boses ng kanilang mga partner sellers at merchant sa kanilang representasyon sa BIR, na dapat magsagawa ng pampublikong pagdinig sa usaping ito upang magkaroon ng mas mabuting paghatol.
Sa totoo lang, nakakaawa ang maliliit na negosyante kung sakaling maipatupad ito dahil alam naman nating lahat na hindi masyadong malaki ang kinikita ng mga online sellers.
Kahit sabihing 1% lang, malaking kawalan ito sa mga kakarampot lang ang kinikita, lalo na sa mga bagong negosyante.
Huwag naman sanang dagdagan pa ang paghihirap ng mga mamamayan, lalo na kung ito lang ang paraan para maitaguyod ang araw-araw na pamumuhay.
Sana ay pakinggan ang hinaing ng mga negosyante, lalo na ngayong nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments