Binigyan ng alahas ng kapitbahay at pinag-selosan ng asawa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 14, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Laura ng Pampanga.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat. Tagahanga ako ng column ninyo at araw-araw ko itong sinusubaybayan. Gusto kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko noong nakaraang linggo.
May boyfriend ako at balak na naming magpakasal, pero nagtataka ako dahil ang napanaginipan ko ay ‘yung kapitbahay kong pogi at macho. May asawa na siya pero binigyan niya ako ng iba’t ibang klase ng alahas. Tuwang-tuwa akong binilang kung ilan ang lahat ng alahas na ibinigay niya, tapos nakita ako ng asawa niya at nagselos ito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Laura
Sa iyo, Laura,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay may lihim na pagtingin sa iyo ang kapitbahay mo. Nangangahulugan din ito na matutuloy ang balak ninyong pagpapakasal ng boyfriend mo sa lalong madaling panahon at magiging masaya ang nalalapit mong pag-aasawa.
Gayunman, ang sabi mo ay binilang mo ang mga alahas na ibinigay sa iyo, ito ay nangangahulugan na isa-isa mong bibilangin ang mga pagpapalang sunod-sunod na dumarating sa buhay mo sa iba’t ibang paraan. Nagpapahiwatig din ito na magiging matatalino at malulusog ang magiging anak ninyo ng mapapangasawa mo.
Gayundin, yayaman at magtatagumpay ka sa napili mong pagkakakitaan, maging ito man ay trabaho o negosyo.
Tungkol naman sa nagselos sa iyo ang asawa ng kapitbahay mo nang makitang binigyan ka ng mga alahas ng asawa niya, ito ay nagpapahiwatig ng hindi pagkakaunawaan at pagbabago ng pasya sa pakikipagrelasyon mo, pero sa dakong huli, nakabuti ito para sa iyo base sa takbo ng mga pangyayari.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments