Bilisan ang pagtatayo ng mas maraming pedestrian at bike lanes
ni Ryan Sison @Boses | Enero 12, 2023
Bilang mamamayan at maituturing na road users, bibigyang-prayoridad ng gobyerno ang mga siklista at pedestrian na mabigyan ng ligtas na linya at mas malawak na sidewalks.
Ito ang binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr), matapos ilatag ang kanilang plano na magtayo ng mas maraming bike lanes at pedestrian lanes.
Ang naturang hakbang ay nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Kabilang din sa mga ito ang pagkakaroon ng malawak na sidewalks, paglalagay ng magkahiwalay na micro-mobility corridors gaya ng car-free zones at kalsada para lamang sa mga siklista.
Nag-ugat ang pag-anunsyo ng naturang hakbang matapos lumabas ang ulat ng Move as One Coalition hinggil sa nakakaalarmang bilang ng mga road accidents na kinasasangkutan ng mga nagbibisikleta sa Metro Manila.
Ang ilan sa mga insidente ay naging sanhi ng pagkamatay ng 130 siklista, habang 6,405 naman ang injured mula noong 2017 hanggang 2021.
Magandang balita ang planong ito ng gobyerno dahil sa wakas ay mas magiging ligtas ang mga siklista at pedestrian.
Gayunman, umasa tayong mabilis at maayos na magagawa ang mga naturang linya para mas maagang pakinabangan ng taumbayan.
Hirap ang mga nagbibisikleta na bumiyahe dahil tila wala na silang lugar sa kalsada, bagay na posibleng maging banta sa kanilang kaligtasan. Kaya kung mas maagang maipatutupad ang plano, mas mabuti.
Sa kabilang banda, may isa pa tayong panawagan sa mga kinauukulan.
Para sa mga existing bike lanes, nananawagan tayo ng mahigpit na pagpapatupad. Kapansin-pansing mistulang motorcycle lane ang naturang linya. May mga pagkakataon ding dinaraanan ito ng pampubliko at pribadong sasakyan, kaya hindi na mapakinabangan ng mga nagbibisikleta.
Marahil ay panahon na para magkaroon ng ligtas na kalsada para sa lahat. Umaasa tayo sa kooperasyon ng taumbayan at matinding aksyon ng mga kinauukulan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments