Bilib na bilib daw sa tatay ng misis… BUHAY NI FPJ, INI-RESEARCH NG MISTER NI LOVI
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | August 27, 2026

Photo: IG _lovipoe
Hindi na nakapagtatakang hangaan ni Monty Blencowe, mister ng aktres na si Lovi Poe, ang yumaong ‘King of Philippine Movies’ na si Fernando Poe, Jr. (FPJ).
Sa isang panayam, ibinahagi ni Lovi kung paano naging inspirasyon kay Monty ang kanyang ama. Hindi lamang dahil sa husay nito sa pag-arte, kundi maging sa craft at legacy na iniwan nito sa industriya ng Philippine showbiz.
Ayon kay Lovi, may likas na pagka-scientist si Monty kaya mausisa at mahilig magbasa. Dahil dito, pinag-aralan umano nito ang tungkol kay FPJ at lalo itong humanga sa naging kontribusyon ng kanyang ama sa pelikulang Pilipino.
Dagdag pa niya, nais ni Monty na ipagpatuloy niya ang legacy na iniwan ni FPJ.
Well, hindi naman nakapagtataka kung maging inspirasyon at idolo ni Monty si Da King. Bukod sa taglay na husay ni FPJ bilang aktor, napakalaki rin ng naging ambag niya sa industriya ng showbiz.
Nadaan daw sa dasal…
BUBOY AT MADIR NG ANAK, NAGKAAYOS NA
Nagkaayos na ang TV host-aktor na si Buboy Villar at ang kanyang dating partner na American-Filipina na si Angillyn Gorens, ayon sa ibinahagi niya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Sa panayam, tinanong siya ng King of Talk na si Boy Abunda kung maayos na ba ang relasyon nila ni Angillyn.
Sagot naman ni Buboy, “Alam n’yo po, after po nu’ng nangyari na ‘yun, ipinagdasal ko na lang po talaga lahat. Isinurender ko na po kay Lord lahat ng mga bagay-bagay.
“And kakadasal ko, kakakulit ko po, Tito Boy, mayroong isang araw na nasa taping po ako, kausap ko ‘yung anak ko, si Vlanz, and then biglang out of nowhere, kinuha n’ya lang ‘yung phone at gusto niya akong makausap.
“Nag-usap kami at nagkapatawaran kaming dalawa. At sabi ko, ‘Lord, oh, my G! This is it!’ Nanghingi s’ya ng sorry sa akin, at nanghingi rin ako ng sorry sa kanya sa lahat ng mga pagkukulang ko.
“Naging okay kami. At ngayon, naging mas maganda ang relasyon namin, lalo na para sa anak namin. Mas naging maganda ang co-parenting naming dalawa.”
Well, at least, happy ending para sa lahat, lalo na sa anak nila. Hindi man sila nagbalikan bilang magdyowa, nagkaayos naman sila bilang mga magulang.
Pak na pak ka riyan, Buboy!
Broadway musical sa New Amsterdam…
ROCHELLE, DREAM COME TRUE NA NAKAPANOOD NG ALADDIN
ISANG pangarap ang natupad para sa aktres-dancer na si Rochelle Pangilinan matapos niyang mapanood ang sikat na Broadway musical na Aladdin sa New Amsterdam Theater sa New York City.
Ibinahagi ni Rochelle sa kanyang Instagram (IG) account ang mga larawan mula sa kanyang Broadway experience, kung saan makikita ang kanyang saya at excitement matapos mapanood ang palabas.
Sa kanyang post, ibinahagi niya ang kanyang excitement at pasasalamat sa Diyos.
Ani Rochelle, “Dream Come True!
“Dream come true na makapanood sa Broadway! ‘Di Broadway Centrum this time, ha!
“Grabe ang stage, actingan, kantahan at sayawan... MALALA!!!
“Mapapa-‘WOW!’ ka na lang talaga!
Woooooo! Thank you, God!”
Anyway, happy for you, Rochelle! At least, one dream unlocked.
PALABAN ang pagbabalik-musika ng dating The Voice Kids Philippines Season 2 (TVKPS2) finalist na si Sassa Dagdag sa Alamat Ng Baga, ang una niyang kanta sa ilalim ng ABS-CBN record label na DNA Music.
Isinulat ni Sassa ang matapang na hip-hop track na tungkol sa paninindigan sa sarili, hindi pagpapadala sa mga pagdududa ng iba, at paggamit sa mga pagsubok bilang inspirasyon para mas magsikap at magpatuloy.
Naging katulong niya sa pagsusulat nito sina Michael ‘Cursebox’ Negapatan, Venzon ‘Abaddon’ Malubay at DNA Music label head Gab Tagadtad.
Nakilala si Sassa nang maging finalist sa TVKP noong 2015 sa ilalim ng Team Bamboo. Noong 2017, inilunsad niya ang kanyang debut EP (extended play) na Sassy Sassa, na tampok ang mga awiting Itatago Na Lang at Kumakaba. Sinundan niya ito ng mga kantang Pasensya Ka Na, Picking Petals at Hulog Ni Bathala, na lalong nagpakita ng kanyang husay bilang singer-songwriter.
Mas nakilala rin si Sassa sa social media matapos mag-viral ang kanyang cover ng Rapstar ni Flow G, na umani ng mahigit 3.7 million views sa TikTok (TT) at nagpamalas ng kanyang galing sa rap at pagkanta.
‘Yun lang, and I thank you.





Comments