top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Bilang ng tinatamaan ng ASF, dumarami

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 29, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 29, 2023


Nagbabala ang Bureau of Animal Industry (BAI) tungkol sa tumataas na bilang ng mga baboy na tinatamaan ng African Swine Fever (ASF).


Ayon sa pagtudla ng BAI, posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng baboy dahil sa nagkalat na ASF sa bansa, bagay na matagal nang sumasalot sa local hog industry.


Sinasabi na sa unang bahagi ng buwan ng Marso, tatlong barangay sa Carcar city, Cebu ang inilagay sa ilalim ng state of calamity dahil sa mga naiulat na kaso ng ASF, kung saan umabot ng humigit-kumulang P300,000 ang lugi ng isang hog raiser.


Tinatantyang nasa P100 bilyon naman ang pagkalugi sa Luzon, dahilan kaya ang ilan sa mga magsasaka ang nagdesisyon na magbenta na lang muna ng ibang karne at pansamantalang huminto sa pag-aalaga at pagbebenta ng baboy.


Samantala, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na para sa kanilang parte, titingnan nila ang mga paraan para maiwasan pa ang pagkalat ng epekto ng ASF.


Ayon naman sa pinakabagong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang produksyon ng baboy ay umakyat ng 3.4% sa ikaapat na quarter ng taon, at ang sektor naman ng agrikultura nakakita ng isang buong taon na pagbaba sa produksyon upang markahan ang ikatlong sunod na taon ng contraction.


Halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas ay kumukonsumo ng karne ng baboy, kaya ang epekto ng posibleng kakulangan ng supply nito dahil sa nagkalat na ASF, ay magbibigay ng malaking kawalan para sa mga nag-aalaga ng baboy.


Ang BAI at DA ay patuloy pa rin sa pagsugpo sa nagkalat na sakit ng baboy.


Kinakailangan ang matinding pakikiisa ng local government units sa pag-implementa ng mga advisories ng BAI at DA tungo sa kaligtasan ng mga alagang baboy pati na rin ng mga tao.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page