top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bilang ng mga apektadong pamilya ng oil spill, tumataas pa

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 28, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 28, 2023

Base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC), umabot na sa 36,700 pamilya ang naapektuhan ng oil spill mula sa barkong lumubog na MT Princess Empress nitong Pebrero 28 sa Oriental Mindoro.


Ang MT Princess Empress ay naglalaman ng 900,000 litro ng industrial fuel oil bago ito lumubog, dahilan ng mataas na bilang ng mga pamilya at indibidwal ang lubusang naaapektuhan ang kalusugan at kabuhayan, kabilang ang 13,654 magsasaka at mangingisda.


Siniguro naman ng pamahalaan na nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang bawat pamilyang apektado ng oil spill.


Ayon sa Department of National Defense (DND), nasa P43 million ang halaga ng tulong ang ibibigay ng gobyerno sa 74 apektadong lugar sa Mimaropa at Western Visayas na pangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs).


Samantala, umabot nang mahigit 9,463 litro ng oily water mixture ang nakuha ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isinagawang cleanup operation sa bahagi ng mga apektadong lugar. Bukod pa rito, nakakuha rin sila ng 3,514 sako at 22 drum ng basura mula sa 13 apektadong barangay sa Oriental Mindoro mula Marso 1 hanggang 26.


Nabanggit din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong nakaraang linggo na ang oil spill ay puwedeng magresulta ng mas mababang output ng isda, ngunit hindi naman aabot sa puntong magkakaroon ng malawakang kakulangan ng isda.


Sa ngayon, patuloy ang pagresponde sa mga apektadong lugar ng oil spill sa Oriental Mindoro. At magandang bagay dahil ang mga bansang Japan, United States at South Korea ay tumutulong sa ating bansa na tugunan ang problema.


Ang kawani ng ating pamahalaan ay patuloy na tumutugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan na lubusang naapektuhan. Subalit, ang gobyerno ay dapat kumilos nang maingat at mabilis upang maiwasan ang pagkalat ng langis sa karagatan na maaaring magdulot pa ng malaking perhuwisyo at problema sa bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page