Bilang judge, alam na alam na raw niya… VICE, AMINADONG IMBIYERNA SA MGA CONTESTANTS NA UMIIYAK
- BULGAR

- Feb 6, 2021
- 3 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | February 6, 2021

Bakbakan o Resbakan pa rin ng siyam na week-long grand finalists sa 4th Season ng Tawag ng Tanghalan na magtatapos ngayong Sabado ang magaganap at malalaman na kung sino ang matitira at tatanghaling TNT Season 4 Grand Winner na mag-uuwi ng P1-M cash, house and lot worth 2-M at recording contract mula sa ABS-CBN.
Ang siyam na kalahok ay sina: Makki Lucino, Nikole Kyle Bernido, Rica Mae Maer, Mara Tumale, Emmar Cabilogan, Ayegee Paredes, JM Yosures, Donna Gift Ricafrente at Raychell Laylo.
Ayon sa It's Showtime host na si Vice Ganda, kahit naging close sila sa ilang kalahok, walang puwedeng makialam o mag-impluwensiya sa magiging winner dahil bawal 'yun.
Pero puna ni Vice sa mga singing contests, nagmamarka sa utak ng mga viewers ang mga contestants na may kuwentong nakakaawa o may malungkot na pinagdaanan o pinagdaraanan.
“Ako as viewer, mas naiintindihan mo kung bakit ganu'n niya kinapa ang piyesa. Bakit damang-dama mo ang mga lyrics ng kanta niya. Malalaman mo kung saan siya nanggagaling at mas mauunawaan mo.
“Bawat kanta siyempre, may iba’t ibang interpretasyon, depende sa pagkatao noong kumakanta. Kapag nalaman mo ang istorya ng buhay niya o pamilya niya, naiintindihan namin.
"Lalo na ako, kapag binabasa ko ang profile ng bawat contestant, alam ko kung bakit iyon ang kinanta niya. Parang naiimbestigahan ko na kung bakit 'yun ang kinanta niya. Bakit ganu'n niya kinanta 'yung chorus, bakit ganu'n ang mata niya noong kinanta niya 'yung line, mas nauunawaan ko sila. 'Yung istorya niya 'yung kumokonekta sa audience, eh.
"Kasi, ilang taon na ang Tawag ng Tanghalan at ilang beses na ba nating narinig 'yung mga kantang iyon? Ilang beses na tayong nakarinig ng tumitili, bumibirit, rocker, balladeer, pero 'yung iba’t iba nilang istorya na isine-share nila, doon sila kumokonek sa mga tao, sa mga audience at sa akin personally," ayon pa kay Vice.
Naniniwala si Vice na maaaring maging inspirasyon sa iba ang mga kuwento ng TNT contestants.
Aniya, “Kaya gustung-gusto kong kinakalkal 'yung mga buhay nila. Ang daming inspirasyon sa mga makukulay nilang istorya at doon nakaka-relate lahat ng audience, bukod doon sa awitin.
“Kaya palagi kong sinasabi sa kanila na allow us to know your story and allow yourself to share your story kasi your scars are your connection to other people.
"Kasi may iba, may wall, ayaw mag-share, eh, mahalaga 'yun, lalo na sa grand finals, may boto, iba 'yung tumusok sa iyo.
“At saka, minsan, hindi na ito pagalingan lang ng boses, iba 'yung may koneksiyon ka sa audience.”
Hindi rin itinanggi ni Vice na ang siyam na grand finalists ay special sa kanya at ngayon lang daw siya na-attach nang ganito sa TNT contestants.
Esplika niya, “Ito ngang batch nila, noong nagmi-meeting kami ng staff, sabi ko sa kanila, 'Ngayon ko lang na-experience ito na na-attach ako sa mga contenders.'
"Siguro kasi, walang audience. Kami-kami lang ang magkasama. Araw-araw ko silang kausap. 'Yung alam ko na ang istorya ng buhay nila, naapektuhan talaga ako. Ngayon lang ako umiiyak kapag may natatanggal. Dati, naiimbiyerna nga ako kapag may umiiyak. 'Arte-arte naman nito,' may ganu'n ako.
"Pero ngayon, ako ang umiiyak kasi nadadama ko ang struggle at 'yung passion ng lahat ng contenders na, ‘I want this so much. And I need this so much.’ Kasi, kailangang-kailangan nila dahil 'yung mga pamilya nila, naghihirap.
"So everyone is special, and I love everyone so dearly.”
At kahit tapos na ang journey ng mga contestants sa Tawag ng Tanghalan, itutuloy pa rin ni Vice ang pagbibigay ng suporta sa mga ito gaya ng ipinagkaloob niyang support sa world-class na TNT Boys.
“Malaking kasiyahan sa akin 'yung feeling ko, malaking part ako ng TNT Boys dati. Kasi, binuo namin 'yun sa GGV, eh. Sa GGV 'yun nagsimula, pinagsama-sama namin, tapos noong umalagwa sila, ang layo ng narating nila, nakapunta sila abroad.
“And actually, 'yung ipinagawa ko sa kanilang challenge sa GGV na nag-viral, 'yun ang naging susi para makita sila abroad at magkaroon sila ng guesting sa mga international shows. Kaya masaya ako roon na naging bahagi ako,” mahaba-habang kuwento ni Vice.





Comments