Biktima ng viral April Fools tattoo challenge, nakuha na ang 100k reward

ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 2, 2024

Naibigay na ang gantimpala sa biktima ng local takoyaki store na nakakuha ng matinding kritisismo mula sa mga netizens dahil sa April Fools' Challenge nito na may malaking premyong pera.
Sinunod ng biktima ang challenge na pagpapalagay ng tattoo sa noo bilang kapalit ng umano’y mapapanalunang pera.
Sa isang video na ipinost sa kanilang Facebook page, ipinakita ng Taragis takoyaki store na personal na pinuntahan ng may-ari na si Carl Quion, si Ramil Albano — ang biktima ng viral na April Fools’ challenge — at ibinigay sa kanya ang pangakong P100,000 na premyo.
Pagkatapos nito, naglabas si Quion ng isang pampublikong paumanhin, na binibigyang-diin na dapat magsilbing aral ang insidente upang maging responsable sa pag-post sa social media.
“Sa lahat ng nagkaroon ng negatibong pananaw sa naging April Fool’s post namin, humihingi ako ng tawad. At sana magsilbing aral ito sa ating lahat … na maging responsable tayo sa lahat ng inu-upload natin,” aniya sa video.
Sa pakikipagtagpo kay Quion, ipinaliwanag ni Albano na hindi niya nakita ang disclaimer na para lamang sa April Fools ang challenge.
Ipinaliwanag din niya na pinili niyang sumali sa challenge upang makapagbigay ng pinansyal na suporta sa kanyang anak na may down syndrome.





Comments