Bike lane sa EDSA, aprub!
@Editorial | March 19, 2021
Plano ng MMDA na magsagawa ng tinatawag na lane dieting sa kahabaan ng EDSA.
Ang lane dieting ay pagtatapyas sa lapad ng linya sa EDSA para bigyang-daan naman ang pagtatalaga ng bicycle lane.
Ang nasabing proyekto ay inaasahang ipatutupad sa mga susunod na buwan.
Kung papansinin ay sadyang malalapad ang linya sa EDSA dahil una itong inilaan para sa mga bus. At ngayong mayroon ng ‘bus carousel’ o dedicated lane para lang sa PUBs, napag-isipang puwede nang bawasan ang mga linya para ang matitipid na espasyo ay maipagagamit naman aa mga nagbibisikleta.
Mula nang magkaroon ng community quarantine dahil sa COVID-19, marami sa ating mga kababayan ang nagbisikleta na papasok sa trabaho. Noong una, ito ay dahil sa limitasyon sa pampublikong transportasyon, matatandaang sa mas mahigpit na lockdown ay tigil-biyahe ang mga bus, tren at jeep. Ipinagbawal din ang angkas sa motorsiklo. Kung limitado ang service ng pinapasukang kumpanya, pahirapan talaga ang biyahe.
Hanggang sa nagpatuloy na rin sa paggamit ng bike kahit balik-biyahe na. Marami ang nakaranas ng iwas-trapik at magandang ehersisyo lalo na’t kailangang magpalakas laban sa COVID-19.
Bagama’t hindi maiwasan na magkaroon ng mga problema sa pagba-bike. Itong isyu sa lane ang unang-una. Kung wala silang sariling espasyo sa kalsada, nakababahala ang pagiging lantad nila sa aksidente. Nakakatuwa na agad naman itong nakita ng ilang lokal na gobyerno at ginawan ng paraan na magkaroon sila ng exclusive lane. Hanggang sa itong binabalak na sa EDSA.
Masasabing napakalaking tulong nito sa mga nagba-bike at sa mga gusto rin pero, natatakot makipagsabayan sa mabibilis at malalaking sasakyan.
Ang pakiusap lang ay sana, sakaling matapos ang proyekto ay sundin ito ng lahat ng motorista. Walang agawan ng linya.
Bukod sa disiplina, kailangan din ng respeto sa kapwa upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat.



Comments