Bigatin ang double-header, UST, DLSU AT NU, abangan
- BULGAR
- Mar 16, 2024
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 16, 2024

Mga laro sa Sabado (Smart Araneta Coliseum)
2 pm – DLSU vs NU
4 pm – Adamson vs UST
Lalapain ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang kauna-unahang pangwawalis sa first round laban sa Adamson University Lady Falcons, habang masasaksihan ang inaabangang Finals rematch sa pagitan ng reigning at defending champions na De La Salle University Lady Spikers at National University Lady Bulldogs sa bigating double-header ngayong araw sa 86th UAAP women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi magpapaawat ang Golden Tigresses na determinadong sakmalin ang 7-0 sweep sa pinakatampok na laro ng 4 p.m. kontra Lady Falcons, na naghahanap makabawi sa nagdaang pagkatalo.
Kasunod ng magkasunod na taon na paghaharap sa Finals, sisimulan ng DLSU Lady Spikers at NU Lady Bulldogs ang agawan sa solo 2nd place na kapwa may 5-1 kartada para sa pambungad na laro ng 2 p.m.
Minsang nawalis ng UST ang first round noong season 2006-2007, kung saan suspendido ang La Salle, subalit ngayon ay mahaharap sila sa panibagong hamon na mailista ang tagumpay para sa volleyball program na pinagbibidahan ni league-leading scorer Angeline “Angge” Poyos.
“Hindi pa dapat kaming magpakampante kasi mahaba pa ang season at may second round pa. Bawal mag-relax,” wika ni super-rookie Poyos, na magkasunod na winalis ang Ateneo Blue Eagles at UP Lady Maroons.
Masaklap man ang pagkawala ng mga importanteng manlalaro ngayong season, matapos ang 3rd place finish noong nagdaang taon, tila hindi naman sumusuko ang Adamson sa panibagong pagkatalo na naitala kontra sa Ateneo sa 19-25, 19-25, 25-22, 23-25 noong Miyerkules upang tumabla sa 2-4 marka.
Inaasahang matinding salpukan ang harapan sa La Salle at NU, na tinapos ang 65-taong pagkagutom sa kampeonato noong 2022, habang binawian sila noong isang taon para kunin ng DLSU ang ika-12 titulo.








Comments