Big time smugglers, dapat masampolan
ni Ryan Sison - @Boses | October 21, 2022
Aabot sa 75 kasong kriminal ang naisampa ng Bureau of Customs (BOC) ngayong taon laban sa mga smugglers na nagpapasok ng mga ilegal na produkto sa bansa.
Bagama’t direktang isinampa sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaso, hindi binanggit ni Customs spokesperson at Operations Chief Arnaldo Dela Torre Jr. kung may big time smugglers sa mga nasampolan.
Ang pagsasampa ng kaso ay matapos masabat sa Manila International Container Port (MICP) sa Maynila ang nasa 1,906 metrikong tonelada ng asukal mula sa Thailand na nagkakahalaga ng P228 milyon.
Samantala, nasa 57 sako naman ng imported na dilaw at puting sibuyas ang nasabat sa Divisoria, na paglabag din sa Food and Safety Act.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang BOC sa Department of Agriculture (DA) sa tila panibagong operasyon ng ‘agricultural smuggling’ ngayong palapit na ang Disyembre.
Sa totoo lang, malaking problema ang pamamayagpag ng smuggled agricultural products dahil nagdudulot ito ng pagkalugi sa mga lokal na magsasaka. At siyempre, ramdam ng taumbayan ang epekto nito gaya ng artificial shortage at pagtaas ng presyo, bagay na malaking pasanin para sa lahat.
Kaya naman panawagan natin sa mga kinauukulan, lalo na sa ating Pangulo, ‘wag ipagsawalambahala ang mga epektong ito. Kung ngayon ay nakakaraos pa, kung patuloy na babaha ng smuggled products sa merkado, paano na lang ang ating mga kababayan at magsasaka?
Isa pang panawagan, tiyaking mananagot ang mga sinampahan ng kaso at ipagpatuloy ang pagsugpo sa mga taong nasa likod ng krimeng ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments