Bgy. officials, aminadong hirap manita ng quarantine violators
ni Ryan Sison - @Boses | May 31, 2021
Matinding pasensiya ang araw-araw na kailangan sa pagsita ng health protocol violators ang isa pang hamon sa mga barangay officials dahil habang tumatagal, pahirap nang pahirap ang paninita at pagdidisiplina sa mga ito.
Isa ang Quezon City sa lungsod na may malaking populasyon, kaya naman maraming tauhan ang kakailanganin para matiyak na naipatutupad ang umiiral na health protocols.
Gayunman, sa Bgy. Payatas, mga nagtatakbuhang bata na walang suot na facemask at face shield habang nasa labas ng bahay ang hinuli ng mga barangay tanod. Sa loob ng ilang minuto, 10 agad ang nahuling violators.
Giit ng opisyal ng barangay, bagama’t ipinaliliwanag kung bakit sinisita ang mga ito, paulit-ulit lang ang ginagawang paglabag.
Sa Bgy. Commonwealth, 350,000 ang populasyon kung saan kahit may 1,000 purok leaders at volunteers, hindi ito sapat sa dami ng residente.
Kaya naman, humingi na ng saklolo ang QC LGU at Task Force Disiplina sa kapulisan.
Samantala, nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may sapat na pondo ang mga barangay para magdagdag ng mga tauhan.
Naglabas din ng kautusan ang ahensiya sa mga punong-barangay na siguraduhing nasusunod ang minimum health standards at pigilan ang mga pagtitipon na posibleng sanhi ng COVID-19 at iba pang sakit.
Sa totoo lang, marami pang lugar ang nakararanas ng ganitong problema. Tipong sa halip na “new normal”, umaasta nang “back to normal” ang karamihan.
At sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala at babala, dedma na lang ang iba nating kababayan, kaya ang ending, lalong dumarami ang quarantine violators.
Kung karamihan ng mga Pinoy ay naniniwalang paglabag sa quarantine protocols ang dahilan ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, dapat tayo mismo ang sumusunod sa mga ito upang maiwasan ang pagsipa ng mga kaso. Ang hirap sa atin, puro tayo reklamo tapos kulang naman sa gawa.
Gayunman, panawagan sa mga kinauukulan, habaan pa ang pasensiya sa paghuli at pagdidisiplina sa ating mga kababayan.
At tayo namang publiko, matutong makinig at magkusa. ‘Ika nga, disiplina pa more sa lahat ng pagkakataon dahil napalaking tulong nito sa ating laban kontra pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments