@Editorial | June 12, 2024
“Kalayaan. kinabukasan. kasaysayan”
Ito ang tema para sa pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan.
Taunang paggunita sa kabayanihang ipinamalas ng ating mga bayani. Sila na nagsakripisyo upang magkaroon tayo ng malaya at magandang kinabukasan.
Binigyan nila tayo ng pagkakataon na mawala ang karahasan at pang-aalipin habang inuukit ang panibagong kasaysayan.
Ang tanong, napahalagahan ba ang mga sakripisyo ng ating mga bayani? Napanatili ba natin ang tunay na kalayaan?
Maaaring nakamit natin ang soberanya mula sa mga bansang minsang naghari sa ating bayan, pero tunay pa rin ba ang ating kasarinlan?
Nananatili tayong gapos sa ekonomiya na pinatatakbo ng mayayaman at makapangyarihang bansa. Patunay dito ang pagdepende sa pag-angkat ng mga produkto.
Patuloy ang pakikipagsapalaran ng ating mga kababayan sa ibang bansa para kumita alang-alang sa pamilya. At kahit ang mga hindi umaalis, nangangamuhan pa rin sa mga banyaga.
Lumalala rin ang pamumulitika sa ating bayan. Ang kagustuhan ng taumbayan na magkaroon ng mga tunay at tapat na lingkod-bayan, tila pangarap na lang. May mga opisyal pa rin ng gobyerno na nasasangkot sa korupsiyon at iba pang ilegal na gawain.
Sila ang bumababoy sa kahulugan ng kalayaan.
Gustuhin man nating sumulong para sa mas magandang kinabukasan, pilit tayong hinihila ng mga taong gahaman. Kaya nababahiran pa rin ng kasamaan ang kasaysayan.
Pero, huwag sana tayong panghinaan ng loob, manatiling positibo at pag-aralan kung paano mapapaunlad ang sarili at maiaangat ang kapwa.
Lahat ay magsisimula sa sarili at pamilya. Palayain ang isip at puso, hayaang gawin ang mga bagay na magpapabuti at magpapaunlad sa atin.
Mahalin ang ating pamilya, tulungan silang makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Sa huli, ang bawat pamilya ang sama-samang titindig para sa kabutihan at kalayaan ng bayan.
Коментари