Bf na Capricorn, ka-compatible kaya sure na tuloy ang kasal
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 11, 2023
Dear Maestro,
May boyfriend ako na isinilang noong January 17, 1997, habang September 4, 1998 naman ang birthday ko. Dalawang taon na kaming mag-on at niyaya niya na akong magpakasal.
Ang gusto ng mga magulang ko ay pamamanhikan at payag naman siya, pero ang iniisip ko ay kung compatible ba talaga kami ng boyfriend ko? At kung sakaling kami na ang magkakatuluyan, magiging panghabambuhay na ba ang aming relasyon at magiging maunlad ba ang itatayo naming pamilya?
Umaasa,
Sophia ng San Carlos, Aliaga, Nueva Ecija
Dear Sophia,
Ayon sa Western Astrology, ang zodiac sign mong Virgo at zodiac sign na Capricorn ng boyfriend mo ay may isang elementong tinataglay, ito ay ang elementong earth o lupa, na nangangahulugang compatible at tugma talaga kayo ng boyfriend mo.
Sa pag-aanalisang Numerology, halos ganundin, kung saan ang birth date mong 4 ay tugma sa birth date na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ng boyfriend mo dahil ang 4 at 8 ay kapwa nagtataglay ng planetang Uranus-Saturn, na sadyang bagay o tugma sa isa’t isa.
Sa madaling salita, compatible kayo at hindi mo na mapipigilan pa ang kapalaran, sapagkat sa ayaw at sa gusto mo, magaganap ang binabalak ng boyfriend mo na pamamanhikan sa last quarter ng 2023. At pagsapit ng susunod na taong 2024, sa edad mong 26 habang 27 naman ang boyfriend mo, may simple, ngunit masayang kasalang magaganap, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay ng pagpapamilya.




Comments