top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Bf, makakatuluyan kahit bet ang officemate na may gf

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 21, 2023
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | May 21, 2023

Dear Maestro,


May boyfriend ako at magda-dalawang taon na kami. May nakilala akong lalaki sa office, naging kaibigan ko siya at nasa kanya na ang lahat ng katangiang hinahanap ko sa isang lalaki, kaya lang, hindi niya ako nililigawan dahil may girlfriend siya.


Pero sa tuwing nag-uusap at nagkakasama kami, ramdam kong malapit kami sa isa’t isa dahil nagpapayuhan, nagkukuwentuhan at nagsasabihan kami ng mga problema.


Maestro, nais kong malaman kung sino sa dalawang lalaking ito ang mapapangasawa at makakatuluyan ko, ‘yung boyfriend ko na isinilang noong January 13, 1994 o ang kaibigan ko na may nobya na isinilang noong September 7, 1995? Ang birthday ko naman ay May 16, 1996.


Umaasa,

Melody ng San Isidro, Angono, Rizal

Dear Melody,


Kaya ka naguguluhan ngayon ay dahil pareho mong ka-compatible ang zodiac sign na Capricorn na boyfriend mo at Virgo na kaibigan mo, at ikaw naman ay isang Taurus.


Kayong Taurus, Capricorn at Virgo ay may iisang elementong tinataglay, at ito ang elementong earth o lupa, kaya ganu’n na lang ang pagkakatugma n’yo, lalo na ang Virgo na sinasabi mong lagi mo pang nakakasama, nakakakuwentuhan at kaututang dila – kasi nga siya ang mas malapit sa iyo ngayon.


Ngunit isipin mo, kung si Capricorn na boyfriend mo ay kasama mo rin sa trabaho at lagi mo ring nakakausap at nakakasama, tiyak na magkakaroon din kayo ng malalim na bonding.


Kumbaga, kung sino ang lagi mong kasama at nakakausap, siya ang magiging matalik mong kaibigan, habang ‘yung mga tao na bihira mong makita at makausap, unti-unting manlalamig, hanggang sa tuluyang lumabo ang inyong relasyon, kahit sabihin pang nobyo o karelasyon mo siya.


Upang makaiwas sa tukso, kung alam mong magiging malapit sa iyo ang isang tao at nagkataong nasa ibang bansa ang asawa mo o ikaw ang nasa malayo, umiwas ka na agad upang ‘di ka na magkasala.


Sa katunayan, madaling sabihin ang umiwas, pero mahirap gawin, lalo na kung magkalayo kayo, makakaramdam ka ng labis na pangungulila at dito na pumapasok ang napakahalagang tanong na, “Gaano mo kamahal ang kasintahan mo?” , “Gaano mo siya pinapahalagahan kung sakaling may dumating na tukso sa iyong buhay?” Subalit kung may virtue ka ng pagtitiis at dalisay na pag-ibig sa iyong karelasyon, maiiwasan mo ‘yan dahil may “birtud” ka na tinataglay sa iyong puso.


Ang regular na pagkikita ng magkasintahan ay tila fertilizer na magbibigay ng panibagong sigla at kulay sa isang relasyon, ngunit kung wala ito, kahit ka-compatible mo ang isang tao, mamamatay din ang nasabing relasyon.


Kaya kapag na-encounter mo ang dalawang tao na pareho mong ka-compatible at itatanong mo kung sino ang posibleng makatuluyan mo sa dalawa, ang sagot ay kung sino ang madalas mong makausap at makasama, siya ang makakatuluyan mo.


Sa oras ito na tanungin ka ng tadhana, “Melody, kung ikaw ang papapiliin at mag-aasawa ka na bukas o sa araw na ito, sino ang pipiliin mo?”


Siyempre, ang pipiliin mo ay ‘yung sobrang napalapit na sa iyo dahil siya ang nagpapasaya sa iyo at palagi mong nakakasama sa ngayon.


Ang problema, may girlfriend din si Mr. Virgo, kaya hindi mo siya puwedeng piliin at sabi mo nga ay hindi ka rin niya nililigawan ngayon dahil alam niyang may boyfriend ka.


Gayunman, isa lang ang dapat mong gawin —regular kayong magkita at mag-date ng boyfriend mong Capricorn upang manatili ang pag-ibig at hindi masayang ang commitment na pinasok n’yong dalawa.


Sa ganu’ng paraan, kung mahal mo ang iyong boyfriend at mahal ka rin niya, ito ang magiging daan upang lalong lumago at mag-init ang relasyon niyo.


Sapagkat hindi naman porke naging ka-close o nakasama mo si Mr. Virgo, siya na ang mas mahal mo kaysa sa iyong boyfriend. Bagkus, ang tunay na ipinahihiwatig nito, si Mr. Virgo ang magandang ehemplo o daan upang si Mr. Capricorn na boyfriend mo, ay makita ang kanyang mga pagkukulang sa katauhan ni Mr. Virgo.


Kung ganu’n ang mangyayari, mas magiging maligaya ang inyong relasyon ni Mr. Capricorn bilang magkasintahan, habang ang inyong relasyon ni Mr. Virgo ay mananatili bilang magkaibigan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page