Beybing-beybi si VP Sara sa bigay na biyaya sa kanya ng Marcos administration
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 18, 2022
SA LAHAT NG NAGING PANGALAWANG PANGULO, SI VP SARA ANG NAGKAROON NG PINAKAMARAMING BIYAYA SA GOBYERNO—Sa lahat ng mga naging bise-presidente ng bansa ay si Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio ang pinakamasuwerte o mapalad.
Siya lang ang VP na binigyan ng gobyerno ng sariling armadong puwersa at ito ay ang Vice-Presidential Security and Protection Group, na ang layunin ay magbigay-proteksyon kay VP Sara at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya; siya lamang din ang binigyan ng multi-billion peso budget para sa Office of the Vice-President; siya lang din ang binigyan ng P500 million confidential fund; siya lang din ang binigyan ng helicopter service at si VP Sara lang ang nagkaroon ng pinakamalaking pondo bilang kalihim ng Department of Education.
'Yan si VP Sara, beybing-beybi sa Marcos administration.
◘◘◘
SA TOTOO LANG, HINDI DAPAT BINIBIGYAN NG CONFIDENTIAL FUND ANG OVP AT DEPED—Matapos aprubahan ng pro-Marcos-Duterte congressmen ang P500-M confidential fund ng OVP ay humihingi rin si VP Sara ng P150 milyon bilang confidential fund naman niya bilang DepEd secretary at tila ibibigay din ito (P150-M) ng mga kaalyado niyang kongresista.
Para sa kaalaman ng publiko, ang confidential fund ay hindi na hinahanapan ng COA (Commission on Audit) ng mga resibo, kung saan ito ginastos kasi nga ay confidential o secret ang ginagawang paggasta sa perang ito ng bayan, walang sinuman ang makaalam kung saan ito ginastos o kung saan napunta o dinala ang kuwartang ito ng bayan.
Sa totoo lang, bilang bise-presidente at DepEd secretary ay hindi dapat binibigyan ng confidential fund si VP, Sec. Sara kasi hindi na saklaw ng kanyang mandato ang gumasta ng pera ng bayan para gamitin sa paniniktik o surveillance sa masasamang elemento ng lipunan dahil trabaho na ito ng mga pulis, militar at National Bureau of Investigation.
◘◘◘
P115, 862 UTANG NG BAWAT PINOY, SI EX-P-DUTERTE ANG DAPAT SISIHIN D'YAN—Ang utang-panlabas ngayon ng Pilipinas ay nasa higit P12.9 trilyon na, at kung ito ay idi-divide sa 111.2 milyong populasyon ng bansa ay lumalabas na kada isang Pilipino ay may utang na P115,862, at kung inaakala ng mga Pinoy na hindi naman nila utang 'yan dahil hindi naman sa kanila sisingilin ng mga pinagkakautangan ay nagkakamali sila kasi ang paniningil na ipaiiral d'yan ay idaraan sa pamamagitan ng tax na ibinabayad ng mamamayan sa mga binibili nilang produkto at binabayarang mga bayarin, tulad sa mga bayarin sa konsumo sa kuryente, tubig, internet, cable, public documents at pamasahe.
Punahin n'yo, mga kababayan, kung dati ay may kababaan pa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, ngayon ay ubod na ng taas at tandaan n'yo, walang ibang dapat sisihin kundi si ex-P-Duterte na nagbaon sa utang sa 'Pinas.
◘◘◘
PARANG IBINIDA PA NG LTFRB ANG DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN—Inanunsyo ni LTFRB (Land Transportation and Franchising Regulatory Board) Chairman Cheloy Garafil, na inaprub na nila ang dagdag-singil sa pamasahe para sa unang apat na kilometro na P12 sa traditional jeep, P14 sa modern jeep, P13 sa ordinary city bus, P15 sa aircon city bus, P11 sa provincial bus, P45 sa taxi at TNVS (transport network vehicle service) sedan, P45; AUV/SUV, P55 at hatchback, P35.
Kumbaga, parang ibinida pa ng LTFRB ang mga dagdag-pahirap na ito sa mamamayan.





Comments