top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Beybi, idineklarang patay ng ospital kahit buhay pa ?

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 16, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 16, 2023


Hustisya ang sigaw ng isang ina sa bagong silang niyang sanggol sa paniwalang hindi inasikaso nang mabuti ng pinaanakan niyang ospital sa Bulacan.


Batay sa ina, idineklarang patay ang kanyang beybi nang isilang niya ito, subalit nang iniuwi na sa kanilang bahay ay gumalaw ito at humihinga pa.


Kuwento ng 37-anyos na ginang, pang-apat na anak na sana nila ito ng mister, pero namatay din.


Anim na buwan lamang ang sanggol nang isilang niya ng madaling-araw ng Abril 2, kung saan nakaramdam siya ng paghilab at parang lalabas na ang bata habang nagtitinda ng palaspas.


Dahil sa sobrang sakit ng tiyan, agad silang pumunta sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria, Bulacan at doon naipanganak niya ang premature baby. Subalit, sabi aniya ng mga tauhan ng ospital ay patay na ang sanggol.


Ayon sa ginang, nang tingnan ng mister niya ang sanggol, nakita nitong gumalaw at huminga. Gayunman, sinabi ng nurse sa kanyang asawa na guni-guni lamang niya ito at patay na talaga ang beybi. Walang nagawa ang mister habang inilagay ang sanggol sa karton.


Ang tiyahin ng sanggol ang nag-uwi rito sa bahay nila sa Pandi, Bulacan sa paniwalang patay na ito. Ipinalagay umano ang sanggol ng mga staff ng ospital sa karton, pero nang maiuwi at buksan ang karton, nagulantang ang tiyahin. Pagbukas niya ng tape ng karton, nakita niyang buhay pa ang bata, bigla itong huminga at umingit pa ang beybi na agad niyang kinarga.


Sa social media na idinaan ng ina at pamilya nito ang panawagang hustisya dahil aniya, dapat inasikasong mabuti ng ospital ang anak at ipinakita ang kakayahan nila habang parang pinabayaan nila ito.


Tumanggi namang humarap ang mga opisyal ng ospital sa media nang kunin ang panig, sa halip, nagpaabot ng pakikiramay ang mga ito sa pamilya ng nasawing sanggol at naglabas ng statement.


Paliwanag ng ospital, wala umanong narinig na tibok ng puso ang tumingin na doktor nang dalhin ito sa kanila at hindi rin kinakitaan ng buhay matapos na ipanganak at hanggang isang oras pagkasilang nito.


Ayon sa pamunuan ng ospital, nabigyan pa nila ng sapat na postpartum at new born care ang mag-ina.


Diin ng ospital, ibinalik sa kanila ang sanggol bandang alas-9:00 ng umaga ng araw na ‘yun at agad na tiningnan ng pediatrician. Pinagawan na rin nila ng incident report ang kanilang staff at pinagsumite na ito agad-agad. Handa rin umano silang sumagot sa tamang forum kung kailangan.


Maayos at tamang pagtanggap sa mga pasyente ang nararapat na gawin ng mga staff ng ospital.


Marahil, dapat aksyunan ito ng kinauukulan upang hindi na maulit pa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page