top of page
Search
  • BULGAR

Best-of-3 finals slot ng D-League, pag-aagawan na

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 17, 2022



Malalaman na ngayong araw kung sino sa Stags, Green Archers, Saints o Skippers ang maghaharap para sa kampeonato ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup sa Araneta Coliseum. Kung batayan ang unang dalawang laro ng semifinals, mahirap pumili at kahit sino ay nararapat na makapasok sa seryeng best-of-three ng finals.


Bubuksan ng EcoOil-De La Salle at Adalem Construction-St. Clare ang aksiyon sa 11:00 ng umaga at susundan agad ng numero unong Apex Fuel-San Sebastian at Marinerong Pilipino sa 1:00 ng hapon. Parehong ganado ang Adalem Construction at Apex Fuel matapos nilang itakda ang Game Three sa bisa ng mga inspiradong panalo noong Linggo sa parehong palaruan.


Tinalo ng Saints ang Green Archers, 72-64, sa likod nina Player of the Week Johnsherick Estrada and Joshua Fontanilla na nagsama para sa 43 puntos. Malaki rin ang ambag ni John Edcel Rojas sa depensa sa mga higante ng EcoOil na halos isang ulo ang tangkad sa kanya.


Kailangang bumawi ang Green Archers at nahirapan ang kanilang mga inaasahan gaya nina Kevin Quiambao, Deschon Winston at Cyrus Austria at lahat sila ay hindi umabot ng 10 puntos ang kontribusyon. Kung sakali, ito ang magiging unang pagkakataon na lalaro ang paaralan para sa korona ng D-League.


Matatandaan na ang Saints dala ang pangalang BRT Sumisip-St. Clare ang nag-kampeon sa huling nakumpletong torneo ng D-League, ang 2019 Foundation Cup noong Oktubre ng taong iyon. Binigo nila ang mabigat na paborito noon na Marinerong Pilipino, 2-1, matapos walisin ang huling dalawang laro ng serye.


Mga laro ngayong Miyerkules – Araneta Coliseum 11:00 AM EcoOil-DLSU vs. Adalem Construction-St. Clare 1:00 PM Marinerong Pilipino vs. Apex Fuel-SSC

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page