Bentahan ng marijuana vapes, nakaaalarma
ni Ryan Sison @Boses | Marso 19, 2024
Nakaaalarma ang kumakalat na bentahan umano ng mga marijuana vape sa mga pamilihan.
Kaya agad na kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI) at sinabing kanilang titingnan ang mga report hinggil sa mga marijuana-laced electronic cigarette o vapes na dumarami na ngayon sa merkado.
Ito ay matapos ibunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pagdami ng mga vaping products na may marijuana oil, na natuklasan sa kanilang anti-illegal drugs operations.
Ayon kay DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Amanda Nograles, nababahala sila sa mga lumalabas na balita dahil ang vape ay hindi puwede sa mga menor-de-edad, kung saan aniya, tinatanggal na ito sa mga pamilihan, pagkatapos ay hahaluan pa ng ilegal na droga.
Ipinaliwanag ni Nograles na bago sa kanila ang naturang impormasyon at kukuha pa sila ng mga dagdag na information tungkol dito, subalit patuloy pa rin ang DTI sa pagkalap ng mga vape na may flavor descriptor, gayundin, ang mga nakakaakit sa mga menor-de-edad na mga cartoons o paggamit ng influencers.
Binigyang-diin naman ng DTI na hindi pa sila nakaka-encounter o nakakakumpiska ng mga vape na may marijuana oil, at kung sakaling mayroon man ay agad nila itong isasangguni sa PDEA.
Aniya pa, ang mga online vape sellers na binalaan na tanggalin ang kanilang mga produkto ay karaniwang sumusunod naman sa kagawaran.
Matatandaang kamakailan ay nakasamsam ang mga operatiba ng PDEA ng cannabis oil at marijuana kush, at iba’t ibang vaping device, na tinatayang nasa kabuuang halaga na P842,000 sa sabay-sabay na pagsalakay sa Taguig City.
Naharang din ng PDEA at Bureau of Customs (BOC) ang 18 balikbayan box na naglalaman ng cannabis oil at marijuana kush na nakatago sa loob ng e-cigarettes na nagkakahalaga ng P337 milyon sa Port Area, Manila noong nakaraang linggo.
Mabuti ang ginawa ng kinauukulan na tinatanggal na ang mga naturang produkto sa mga pamilihan.
Masama talaga kasi ang epekto nito sa kalusugan at maaaring maging mitsa pa ng ating buhay. Sa ating mga kabataan huwag nang subuking gumamit nito, hindi dahil sa bawal sa mga menor-de-edad, kundi tiyak na makasisira ito sa inyong kinabukasan.
Paalala rin natin sa mga kababayan na huwag nang tangkilikin ang mga ganitong uri ng e-cigarettes dahil sa mapanganib ito sa ating kalusugan at talagang ipinagbabawal din ng ating batas.
Hiling natin sa kinauukulan na huwag silang tumigil at patuloy sana ang ginagawang paglaban sa ilegal na droga.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments