top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Bentahan ng bagsak presyong NFA rice, kalat na

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 29, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 29, 2024


Dahil sa umano hindi awtorisadong pagbebenta ng stock ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa presyong sobrang baba at lugi ang gobyerno, ipinag-utos na ng Department of Agriculture (DA) ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil dito.


Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bumuo na siya ng panel of investigators upang siyasatin at tingnan ang mga alegasyon na may ilang NFA officials na umano’y pinahintulutan ang pagbebenta ng milled rice na nakaimbak sa bodega ng ahensya sa halagang P25 kada kilo nang walang bidding, at matapos mabili, ang mga butil ng palay ay nasa P23 kada kilo.


Sinabi ni Laurel, na hindi nila isinasantabi ang mga report ng hindi nararapat o impropriety laban sa mga opisyal ng DA, anuman ang pinagmulan nito. Tinatanggap din nila ang anumang ahensya ng gobyerno na maaaring magsagawa ng sarili nilang pagsisiyasat para malaman ang katotohanan tungkol dito.


Giit pa ng DA chief, sila ay mga tagapangalaga o custodians ng pondo ng gobyerno — ang mga perang gagastusin ay para sa kapakanan ng mga Pilipino, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda. Ang pera ng mga taxpayer ay hindi dapat sayangin upang ilagay lamang sa mga bulsa ng sinuman.


Kung matatandaan, ang Rice Tariffication Law, na nagpapahintulot sa liberalisadong importasyon ng bigas, ay inalis ang tungkulin ng NFA na i-regulate ang rice sector gayundin, ang tanging ahensya na pinapayagan na mag-import ng rice shipments sa bansa.


Sa ngayon, ang mandato ng NFA ay nakatuon na lamang sa pagtiyak ng sapat na suplay ng buffer stocks ng bigas sa Pilipinas — 30 days worth ng kabuuang konsumo ng bansa sa panahon ng lean season, at 15 araw kung hindi man.


Nagbabala naman si Laurel, sa gitna ng mga report hinggil sa mga hindi awtorisadong pagbebenta ng NFA rice, kung saan aniya, “those who profit at the expense of farmers and fisherfolk as well as Filipino consumers should be meted the harshest penalty under the law.”


Mabuti ang naging desisyon ng kinauukulan na imbestigahan ang posibleng anomalya na nangyayari sa loob ng NFA.


May mga report na rin kasi na nasasangkot umano ang mga opisyal ng naturang kagawaran kaya nararapat lamang na sila ay kastiguhin kung mapapatunayan namang nagkasala.


Ilang dekada na rin na talagang napabayaan ang ating mga magsasaka at mangingisda habang may ilang opisyal na tila nagpapayaman lamang sa kanilang puwesto.


Marahil, panahon na para totoong tingnan ang kalagayan at tutukan ang kapakanan nila para maibsan din naman ang kanilang hirap at mga pasanin.


Tama rin na patawan ng pinakamabigat na parusa sa ilalim ng ating batas, ang mga indibidwal mapa-opisyal man o ordinaryong mamamayan na nagpapakasasa habang kumikita ng pera at the expense ng ating mga magsasaka at mangingisda.


Sa ating mga kababayan na patuloy sa kanilang masamang gawain, makonsensya sana kayo at piliin na magbago para na rin sa sarili at sa pamilya

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page