Below the belt na mga banat kay Sen. Imee, fake news!
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 12, 2024
HINDI SI SEN. IMEE ANG NAKIKINABANG SA FEEDING PROGRAMS, KALAHI-CIDSS AT AICS, KUNDI MGA MAHIHIRAP AT 4Ps MEMBERS DIN -- Below the belt na maituturing ang mga atake ni Ako Bicol partylist Rep. Jil Bongalon laban kay Sen. Imee Marcos, na kesyo ang ilang bahagi raw ng budget para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Programs (4Ps) ay ipina-realign ng senadora sa feeding programs, Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) quick response fund for disaster, at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at ang mga programa raw na ito ng pamahalaan ang siyang ginagamit niya (Sen. Imee) sa “pangangampanya” dahil nga raw re-electionist for senator ang nabanggit na presidential sister.
Nasabi nating “below the belt” dahil ang mga programang ito, feeding programs, KALAHI-CIDSS at AICS ay mga maralitang kababayan naman at mga 4Ps member din ang nakikinabang, at hindi si Sen. Imee, period!
◘◘◘
MAKAMAHIRAP SI SEN. IMEE, KAYA ‘DI NITO GAGAMITIN ANG MGA PRO-POOR PROGRAM NG PAMAHALAAN SA KANYANG KAMPANYA -- Si Sen. Imee Marcos ay pro-poor at patunay d’yan na kahit kapatid niya si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ay kinakalampag niya ang Presidente na lubayan nito ang pagsusulong ng Charter change (Cha-cha) at magpokus para mapababa ang inflation rate sa bansa, hulihin at ipakulong ang mga agri smugglers na nagpapahirap sa mga magsasaka, tigilan na ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program dahil kawawa ang mga tsuper ng jeepney na mawawalan ng hanapbuhay.
Patunay ang mga isyung ‘yan na makamahirap si Sen. Imee, kaya fake news ang mga atake sa kanya ni Cong. Bongalon na ginagamit niya sa kanyang pangangampanya ang mga programang pangmahirap ng pamahalaan, period!
◘◘◘
23% PINOY, MGA PRO-CHINA, MGA TRAYDOR SA BAYAN? -- Base sa inilabas na survey ng OCTA Research Firm ay lumabas na 77% sibilyang Pinoy na edad 18 hanggang 54, ang handang ipagtanggol ang Pilipinas at labanan ang mga mananakop na dayuhan.
Kumbaga, parang sinabi na rin ng OCTA na ‘yung 23% sibilyang Pinoy na edad 18-54 na tumangging ipaglaban ang ‘Pinas kontra sa mga mananakop na dayuhan, ay sila iyong mga pro-China na mga traydor sa bayan, boom!
◘◘◘
DAPAT ISAILALIM SA LIFESTYLE CHECK SI ALYAS ‘TSAN PARAK’ NA TONGPATS COLLECTOR SA CALABARZON -- Sa kabila na inimbestigahan na ng committee ni Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety ang talamak na illegal gambling sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay tuloy pa rin daw ang “tongpats” collection ni alyas “Tsan Parak” sa mga ilegalista sa mga lalawigang ito.
Dapat mas laliman pa ng komite ni Cong. Fernandez ang imbestigasyon sa protection racket sa mga gambling lords sa CALABARZON at baka sakali makilala nila kung sino itong “tongpats” collector na nagtatago sa alyas na “Tsan Parak” at kapag nakilala ay gisahin ito sa Kongreso at isailalim sa lifestyle check, kasi may impormasyon na ubod na raw ng yaman ito dahil sa raket niyang “tongpats collection”, period!





Comments