Beermen shoot na sa finals, Tropang 5G nakaabang
- BULGAR

- Jul 10
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 10, 2025
Photo: Beermen at Ginebra - PBA PH
Laro ngayong Linggo – Araneta
7:30 PM TNT vs. SMB
Ipiniga ng San Miguel Beer ang pinaghirapang 100-93 panalo sa Barangay Ginebra sa Game Seven upang makapasok sa 2025 PBA Philippine Cup Finals. Naghihintay sa Beermen ang TNT Tropang 5G sa isa pang seryeng best-of-seven simula ngayong Linggo sa parehong palaruan.
Nararapat na ang huling tabla sa ika-pitong laro ay 77-77. Mula doon ay bumanat ng magkasunod na buslo sina Don Trollano at Jericho Cruz at hindi na binitiwan ng SMB ang bentahe sa nalalabing walong minuto.
Ipinasok nina Chris Ross, June Mar Fajardo at Rodney Brondial ang mga pandiin na shoot para itayo ang kompartableng 98-89 lamang papasok sa huling dalawang minuto. Humirit ng four-points si Jamie Malonzo ngunit iyan na ang huling baraha ng Ginebra at tinuldukan ni Best Player Ross ang gabi sa dalawang free throw na may 34 segundo sa orasan.
Matapos hindi gamitin ni Coach Leo Austria sa Game Five at Six, balik-aksiyon si Ross at gumawa ng 19 puntos, pitong assist at apat na agaw bilang reserba. Nanguna sa SMB si June Mar Fajardo na may 21 at 19 rebound sa gitna ng natamong pilay sa pangalawang quarter.
Ipinagpag ni Malonzo ang kanyang maagang pangatlong foul at nagtala pa rin ng 22. Sumunod sina RJ Abarrientos at Scottie Thompson na may tig-16 at nabigo ang Gin Kings na maglaro sa Finals sa pangatlong pagkakataon ngayong taon.
Ikinumpleto ni Malonzo ang three-point play sa pagtatapos ng pangatlong quarter para sa pinakamalaking lamang ng Ginebra, 73-62. Subalit may ibang plano ang Beermen at humabol sa huling quarter hanggang inihatid ni Trollano ang tres na nagtakda sa 77-77.
Sisikapin ngayon ng SMB na pigilan ang TNT sa inaasam na Grand Slam. Kabilang ang Beermen sa maikling listaan na nagwagi ng tatlong tropeo sa isang taon at naabot nila ito noong 1989.










Comments