Bebot, worried baka lokohin ni mister, ‘di kailanman mangyayari
- BULGAR
- Sep 17, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 17, 2023
Dear Maestro,
Nasa abroad ang mister ko ngayon, bihira na lang siya kung tumawag sa akin. Gusto ko sanang matiyak kung may babae o wala ang mister ko, dahil ‘pag tinatanong ko siya kung bakit madalas na lang siyang mag-online, ang lagi niyang sinasabi ay busy lang umano siya at pinagbawal na rin sa office nila ang madalas na pag-o-online.
Totoo kaya ‘yun? Kinakabahan kasi ako na baka may babae siya at baka iwan niya na kami.
Ang birthday ng mister ko ay January 16, 1989 habang July 11, 1988 naman ako.
Umaasa,
Cristy ng Looc, Balete, Batangas
Dear Cristy,
Para magtagal ang isang relasyon alam naman nating lahat na ang isa sa pinakamahalagang sangkap ay ang pagtitiwala, dahil kung wala kang tiwala sa iyong asawa, eh talaga namang mawalay lang siya sa iyo ng isang saglit, lalo na kung guwapo ang asawa mo, talaga namang kakabahan at hindi ka na mapapakali.
Pero, hindi ‘yun ganu’n, dahil kung tapat ang pagmamahal n’yo para sa isa’t isa, kahit na mag-abroad pa ang guwapo mong asawa, kung may tiwala ka naman sa kanya, mananatiling payapa ang isipan mo - dahil alam mong mahal na mahal ka niya.
Kaya nga basta’t may tiwala kayo sa sinumpaan at ipinangako n’yong pag-ibig, walang magiging problema.
Samantala, ang birthday na January 16, 1980 ng mister mo ang nagsasabing hindi niya magagawang mambabae, dahil likas na duwag at takot silang gumawa ng kasalanan.
Dagdag dito, ang zodiac sign niyang Capricorn ay sadya namang tugma at compatible sa zodiac sign mong Cancer, gayundin ang birth date niyang 16 ay tunay ngang suweto rin sa birth date mong 11 o 2 (ang 11 ay 1+1=2).
Ibig sabihin, kahit mag-isip ka pa na may babae ang mister mo sa abroad, imposibleng mangyari ‘yun, dahil ang inyong zodiac sign at mga numero ang nagsasabing, anu’t- anuman ang mangyari, mananatiling tapat ang pagmamahalan n’yo para sa isa’t isa.
Ibig sabihin, kahit na bihira lang tumawag ang mister mo, wala kang dapat alalahanin.
Sa halip, magtiwala ka, dahil malamang sa malamang ay busy lamang siya o kaya nama’y naghigpit ang company nila sa paggamit ng cellphone, at anupamang dahilan ‘yan, tulad ng nasabi na, ang dapat mong gawin ay magtiwala sa iyong asawa, dahil sa bandang huli, tiyak pa rin naman ang nakatakda - hindi matitinag ang pagmamahalan n’yo, kaya umasa kang kahit malayo ang iyongg mister, darating ang panahong uuwi siya at mananatili pa ring buo, maligaya ang inyong pamilya habambuhay.




Comments