Bebot na may live-in partner, sa ex-bf pa rin ang bagsak
- BULGAR
- Aug 29, 2023
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 29, 2023
Dear Maestro,
May live-in partner ako, at almost two years na rin kaming nagsasama sa iisang bubong, ngunit noong Marso ngayong taon ay nag-abroad siya.
Mula noon ay bihira na siya kung magpadala dahil delay umano ang kanilang suweldo.
Pero, sa katunayan ay may nasagap akong balita na kaya pala hindi na siya nagpapadala sa akin, ay dahil may nakilala umano siyang ibang babae ro’n na katrabaho niya lang din.
Samantala, nitong buwan ng Hunyo sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagkita kami ng ex-boyfriend ko na tawagin na lang nating si “Allan”.
Mula noong magkita kami ay nasundan pa ito hanggang sa nagkabalikan kami at may nangyari muli sa amin, pero hindi ito alam ng live-in partner ko na nasa abroad.
Kaya ang gusto kong malaman, Maestro, kung sino sa kanilang dalawa ang makakasama ko habambuhay? Sa ngayon ay inaaya na ako ng ex-boyfriend ko na magsama na raw kami at sabi pa niya ay papakasalan niya raw ako.
Kaya naguguluhan ako, kung sino sa dalawang lalaking ito ang makakasama ko
habambuhay at kung kanino ako magkakaroon ng isang masaya at maunlad na pamilya?
November 2, 1998 ang birthday ko, habang ang ka-live-in ko ay October 12, 1992 at July 16, 1995 naman ang birthday ni Allan.
Umaasa,
Sophia ng San Nicolas, Alcala, Pangasinan
Dear Sophia,
Ang dapat mong piliin siyempre ay ‘yung taong ka-compatible mo upang habambuhay kang guminhawa at lumigaya.
At dapat ‘yung binata upang sa gayun ay pormal ka niyang maiharap sa altar hanggang sa tuluyan kayong makabuo ng isang simple at masayang pamilya.
Dagdag dito, kung totoong may ibang babae na ang live-in partner mo sa abroad kaya hindi ka na niya pinapadalhan ng pera, ay dapat na masigurado mo ang katotohanang ito, upang makahanap ka rin ng lalaking mananatiling tapat sa iyo, at makakasama mo habambuhay.
Samantala, anuman ang mangyari, ang zodiac sign mong Scorpio ay nagsasabing higit mong ka-compatible si Allan na dating boyfriend mo, dahil ang zodiac sign niyang Cancer ay swak sa zodiac sign mong Scorpio, kung saan, ang Scorpio at Cancer ay kapwa nagtataglay ng iisang elemento – ang elementong tubig o water, kaya tugma at compatible talaga kayo.
Sa aspetong pang-Numerology naman ay gayundin ang kinalabasang pag-aanalisa. Ang birth date mong 2 at 16 o 7 naman si Allan (ang 16 ay 1+6=7) ay kapwa nagtataglay ng weak number na 2-7 at kapwa pinaghaharian ng planetang Moon-Neptune, nangangahulugang sa Numerology tulad ng nasabi na, tugma at sadyang compatible ang birth date nyong 2 at 7.
Samantala sa Astrology, kapansin-pansing hindi naman talaga katugma ng zodiac sign mong Scorpio ang zodiac sign na Libra ng live-in partner mo.
Gayundin, ang birth date mong 2 ay hindi rin naman suweto sa birth date na 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3), ng ka-live-in mo, nangangahulugan lamang ito na kahit magsama kayo bilang mag-asawa, sure rin na hindi ‘yun magtatagal at hindi rin magiging maligaya ang inyong relasyon. Sa halip, maaari pang mauwi sa hiwalayan ang inyong relasyon dahil ‘di talaga kayo suweto o tugma para sa isa’t isa upang magsama.
Kaya walang ibang ipinapagawa sa iyo ang iyong mga numero at ang iyong zodiac sign.
Kung may matatag na trabaho naman ang ex-boyfriend mong si Allan at kung totoong wala pa siyang asawa o binata pa rin siya hanggang ngayon, tulad ng nasabi na, siya ang piliin mo at pakasalan upang makabuo kayo ng isang simple, maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments