Bebot na may 2 anak sa ex-live-in partner, mas ka-compatible ang manliligaw na foreigner kesa sa bf
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 19, 2021
Dear Maestro,
Ako ay isang single mom at dalawa ang naging anak ko sa unang live-in partner ko, sa halip, ‘yung dati niyang girlfriend ang kanyang napangasawa.
May boyfriend ako ngayon at ang nais kong isangguni sa inyo ay kung compatible ba kami dahil December 1, 1989 ang birthday niya? Pero bukod sa kanya, may manliligaw pa akong foreigner na isinilang naman noong June 25, 1988. Ang gusto kong malaman ay kung sino sa dalawang ito ang mas ka-compatible ko at isa na ba sa kanila ang makakasama ko habambuhay?
Sa ngayon, pareho naman nilang alam na may anak ako sa pagkadalaga, pero okey lang naman daw sa kanila. Isa na kaya sa kanila ang mapapangasawa ko at makakasama ko habambuhay? Sa totoo lang, Maestro, ang dami-dami nang pagsubok at problema ang dumating sa aking buhay, kaya sana, sa pamamagitan ng pag-aanalisang ito na gagawin n’yo sa aking kapalaran ay maging maayos na ang kapalaran ko at maging maligaya na ako, lalo na sa love life. January 17, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Capricorn ng Santo Niño, San Felipe, Zambales
Dear Ms. Capricorn,
Bagama’t ka-compatible mo ang kasalukuyan mong boyfriend na isinilang noong December 1, 1989 dahil magkapitbahay ang zodiac sign mong Capricorn at zodiac sign niyang Sagittarius, masasabing hindi gaanong paborable ang pagsasama ng birth date mong 17 o 8 (1+7=8) at 1 naman na birth date ng boyfriend mo. Ito ay dahil ang problema, kapwa kayo nagtataglay ng strong number na 8 at 1, na nangangahulugang bago kayo tuluyang umunlad, lumigaya at yumaman, maraming mabibigat na pagsubok at probema ang pagdaraanan ng inyong relasyon.
Kaya nga kung sawang-sawa ka na sa mga naranasan mong pagsubok at manhid na ang iyong katawan sa hirap at pagsasakripisyo, mas mainam at higit mong katugma ang may weak number na 25 o 7 (2+5=7) at may weak zodiac sign ding Cancer.
Kung saan, dahil ang Capricorn na zodiac sign mo ay may elementong earth o lupa, masasabing sa kalagayan ng iyong kapalaran, sa totoo lang ay noon ka pa nangangailangan ng “water element” upang ang “earth element” na umiiral sa iyong karanasan ay magsimula nang umunlad at lumigaya.
Ibig sabihin, sa sandaling nakasama ng isang Capricorn na tulad mo ang isang “water type sign” na Cancer na tulad ng manliligaw mong foreigner, walang duda na magkakaroon ng mala-dramatikong pagbabago sa iyong buhay na hahantong sa pag-unlad at pagkakamit ng magandang kapalaran hanggang sa tuluy-tuloy ka nang lumigaya.
Kaya kung papipiliin ka sa dalawang lalakng nabanggit, mas mainam na piliin mo si June 25, 1988, lalo na kung binata pa siya at walang pamilya, upang sa panahong ito ng iyong buhay, matupad naman ang iyong pangarap na makatikim ng maginhawa at masayang buhay pag-aasawa.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda at kusang mangyayari ang nasabing pagkakaroon n’yo ng relasyon ni Mr. June 25, 1988 sa taon ding ito ng 2021 o sa 2022. Sa nasabing panahon, sa edad mong 31 pataas, kusa na ring aayos at gaganda, hindi lamang ang iyong love life kundi pati na rin ang lahat ng aspeto ng iyong buhay, lalo na ang buhay sa larangan ng pag-aasawa at pagpapamilya na maaaring maganap sa ibang bansa o sa ibayong-dagat, na tulad ng nasabi na, sa 2021 o 2022 sa edad mong 32 pataas.




Comments