Bebot na ‘di umaasenso, sa taong 2024 liligaya at sasagana
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | November 15, 2023
Dear Maestro,
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong artikulo, Maestro. Bakit hindi ako gaanong sinusuwerte sa buhay at sa paanong paraan ba ako susuwertehin at aasenso?
Napapansin ko na kahit ano’ng pagsisikap ang gawin ko, parang pabagsak ako nang pabagsak at lalo lang akong nababaon sa utang. February 15, 1982 ang birthday ko.
Umaasa,
Kim ng Concepcion, Calintaan, Occidental Mindoro
Dear Kim,
Ang birth date mong 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6) ay nagsasabing upang gumanda ang iyong kapalaran, isa lang ang dapat mong gawin, ‘yun ay magmahal. Ganyan ang pag-aanalisa dahil ang birth date mong 15 o 6 ay may ruling planet na Venus, kung saan ang mga taong isinilang sa petsang 6 (kabilang silang may birth date at destiny number na 6, 15 at 24) na nagmamahal ay nakakaranas ng suwerte at magagandang kapalaran.
Samantala, sino naman ang dapat mong mahalin, maging karelasyon o maka-close na kaibigan upang suwertehin at magkaroon ka ng magandang kapalaran? Sino pa, eh ‘di silang mga isinilang sa zodiac sign na Libra, lalo na silang ipinanganak sa buwan ng Oktubre, partikular sa mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 4, 13, 22 o 31, puwede rin silang may mga birth date na 7, 16 at 25. Kapag nakakita ka ng ganyang nilalang, babae man o lalaki, ‘wag mo na siyang pakawalan at gawin mo siyang bestfriend, dahil kumbaga sa talisman o anting-anting ng sugal, kapag palagi mo silang suot o dala, tuluy-tuloy kang mananalo. Hindi ka matatalo kahit na maghapon o magdamag ka pang magsugal.
Ganundin sa buhay ng tao, kapag nalaman mo ang suwerte mo at hindi mo na siya inalis sa buhay mo, hindi ka na dadatnan ng anumang kamalasan, bagkus, ang laging darating sa iyo ay pulos na suwerte at magandang kapalaran. Pero sa reyalidad ng buhay, may mga pagsubok at problemang dumarating dahil wala namang buhay o karanasan na walang problema. Kaya lang, ang sinasabi natin kapag kasama mo sa buhay ang suwerteng tao, madali mong magagapi at masosolusyunan ang bawat pagsubok at problema.
Ganu’n ‘yun! May eksaktong birth date na dapat mong hanapin upang ikaw ay suwertehin sa buhay. Kapag natagpuan mo ang suwerteng nilalang na nabanggit sa itaas, kung luhaan ka ngayon at bigla mo siyang nakasama, mala-dramatikong hindi mo mamamalayan na iniahon ka na ng suwerte mong kaibigan sa pagkabigo at kalungkutan.
Ganu’n ang gawin mo, Kim, hanapin mo ang birth date at zodiac sign na binanggit sa itaas at sa sandaling natagpuan mo siya, agad na mapapawi ang iyong alalahanin sa buhay. Gayundin, mawawala na ang mga kamalasan at kalungkutan na iyong iniinda at sa taong 2024 sa edad mong 42 pataas, bubuhos na ang mga pagpapala mula sa langit na magdudulot sa iyo ng masagana at maligayang karanasan habambuhay.




Comments