top of page
Search
  • BULGAR

Bebot, feeling malas sa pag-a-abroad… Makakaalis gamit ang paborable na araw at kulay

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | June 20, 2023



Dear Maestro,


Matagal na akong nag-a-apply sa abroad. Ang problema ay ‘di ako matuluy-tuloy dahil sa maraming kadahilanan na hindi ko na iisa-isahin pa.


Naniniwala ako na makapag-a-abroad din ako sa tamang panahon, dahil ayon sa iyo, Maestro, ang mga taong may birth date na 5 ay tiyak na makakapangibang-bansa.


Kailan kaya ako makapag-a-abroad? At ano ang dapat kong gawin para suwertehin ako?


June 14, 1992 ang birthday ko.

Umaasa,

Sammy ng Talaba, Bacoor, Cavite

Dear Sammy,


Tingnan mo muna ang guhit ng iyong palad, kung may Travel Line ka sa iyong palad, tiyak na makapag-a-abroad ka.


Ang Travel Line ay nag nagsangang guhit. Ito ang tila letrang “Y na baliktad” sa ilalim na bahagi ng palad, ngunit minsan, kahit walang Travel Line, basta’t ikaw ay nagtataglay ng square type hand o hugis ng palad na hindi mabuto, bagkus ay makapal at malaman, tiyak na sa bandang huli, tulad ng iniisip mo, mapapasunod mo rin ang takdang kapalaran sa gusto mong mangyari - kahit wala kang Travel Line, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.


Samantala, upang suwertehin ka sa iyong pag-a-apply sa abroad, ayon sa birthday mong June 14, 1992 ganito ang iyong dapat gawin:


Una, lagi kang magsuot ng paborable mong kulay sa tuwing ikaw ay may lalakaring mahahalagang papeles. Ang paborable mong kulay ay green, black, gray, silver at white.


Maaari mong pagsalit-salitin ang paggamit ng nasabing mga kulay sa favorable date mo, tulad ng petsang 1, 2, 4, 5, 7, 8, 10,11, 13, 14, 16, 17, 19, 20, 22, 23, 25, 26, 28, at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mapalad mong araw ng Lunes, Miyerkules, Sabado at Linggo.


Pangalawa, sipagan mo ang pag-a-apply sa panahong ikaw ay mapalad. Ito ay mula sa ika-19 ng Setyembre hanggang sa ika-30 ng Nobyembre, mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-28 ng Pebrero at mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang sa ika-31 ng Hulyo.


Pangatlo, kung hihingi ka ng tulong o suporta sa iyong mga kaibigan at kakilala, piliin mo silang may zodiac sign na Pisces, Scorpio, Capricorn, Virgo, Taurus at kapwa mo Cancer, sila ang may malaking maitutulong sa iyo, higit lalo kung sila ay may birth date na 1, 2, 5, 7, 8, 9, 10, 11, 14, 16, 17, 18, 19, 20, 23, 25, 26, 28, at 29.

Pang-apat, maghanap ka ng agency na may kulay green, gray, white at yellow na logo. Ang nasabing agency ang magpapaalis sa iyo patungo sa ibayong dagat.


Ayon sa iyong Travel Calendar, ang pag-aanalisang tinuran sa itaas, makapag-a-abroad ka ay nakatakda namang mangyari at maganap sa susunod na taong 2024, sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo, sa edad mong 32 pataas.


0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page