Bebot, feeling malas sa lablayp, sa taong 2026 magkaka-bf
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | October 05, 2023
Dear Maestro,
Sa edad kong 22, hindi pa ako nagkaroon ng boyfriend, kaya pakiwari ko ay malas ako sa pag-ibig at mientras gustung-gusto ko nang magka-BF, bakit ayaw sa akin itong ipagkaloob ng kapalaran?
Sana, magabayan n’yo rin ang buhay ko, lalo na sa love life para maka-experience naman ako ng masayang relasyon. Nais ko ring malaman kung ako ay makapag-aasawa pa at magkakaroon ng masayang pamilya?
Ang birthday ko ay June 10, 2001
Umaasa,
Alexa ng Maria Fe, Orani, Bataan
Dear Alexa,
Bihirang malasin ang mga babae pagdating sa pag-ibig lalo na’t silang may bitbit na numerong 1 na tulad mo, kung saan, ang birth date mong 10 ay 1+0=1.
Nangyaring bihira lang sa babaeng may birth date na 1, ang malas sa pag-ibig, dahil Sun ang ruling planet ng numerong 1 o ng birth date mong 10 o 1. Ibig sabihin, tunay ngang laging tatanglaw sa iyong buhay ang suwerte at magandang kapalaran.
Kaya, dapat mo nang tanggapin at unawain sa iyong sarili na hindi ka malas. Sa katunayan, delay lang ang pagdating o pagkakaroon mo ng boyfriend. Ngunit, pakatandaan mo may panahon ang bawat pangyayari sa ibabaw ng lupa o mundo. At kung sa sandaling hindi mo pa panahon, kahit ano pang pagpupumilit ang gawin mo, hindi mo pa rin makakamit ang anumang ninanais o inaasam-asam mong bagay sa iyong buhay.
Ganu’n talaga ang buhay. Kapag hindi mo pa panahon, hindi pa mangyayari sa iyo ang maganda at kaaya-ayang kapalaran. Ngunit, kung sadyang panahon mo na para suwertehin, walang magagawa ang tadhana, kundi ipagkaloob sa iyo ang suwerteng matagal nang nilaan para sa iyo.
Sa karagdagan pang paglilinaw, kung hinog na ang panahon sa iyong buhay, tulad ng isang hinog na mangga sa puno, kusa rin iyang mahuhulog sa lupa ng walang kahirap-hirap.
Ganundin ang prinsipyo ng kalikasan at buhay ng tao. Oo, Alexa, may panahon ang lahat ng bagay at mga pangyayari.
Nagdaan na ang buwan ng Mayo at Hunyo, ngunit hindi rin dapat sabihing ito ang panahon ng pagpapakasal at pag-iisang-dibdib sapagkat kusa rin ‘yun mangyayari.
Ang importante pang panahon ngayon ber month’s ay ang Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ganu’n ‘yun, Alexa! Ang tanong sa iyo ngayon ay nais mo bang malaman kung kailan ang iyong panahon para sa pag-ibig? Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusang darating ang maganda mong panahon, sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon sa taong 2026, sa edad mong 25 pataas, sa panahong tinuran, kahit hindi ka gaanong magsikap, kusa ka pa ring susuwertehin at bubuwenasin ng bongga sa iyong buhay. Oo, hindi lang sa pag-ibig at materyal na mga bagay kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Sa panahong nabanggit, magkaka-boyfriend ka na at magkakaroon ka na rin ng stable job, kasabay nito habambuhay ka na ring liligaya at magtatagumpay.




Comments