Bebot at ex-bf na tibo, compatible kaya sure na magiging masaya ang pagsasama
- BULGAR
- Sep 4, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 4, 2023
Dear Maestro,
Ang problema ko ay naghiwalay kami ng live-in partner ko, t-bird siya habang ako naman ay babae. May chance pa kayang magkabalikan kami? Nag-o-overthink ako ngayon na baka mayroon na siyang iba, magagawa niya kaya akong palitan? Ang birthday ko ay October 31, 1995 habang siya naman ay November 13, 1996.
Umaasa,
Dindith ng Santa Catalina, Atimonan, Quezon
Dear Dindith,
Kapwa kayong nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio at nagkataon ding kapwa kayo pinaghaharian ng numerong 4, dahil ang 13 na birth date ng dating live-in partner mo ay 1+3=4, habang ang birth date mo namang 31 ay ganundin ang sumatotal, 3+1=4, kung saan, pareho nga kayong “taong kuwatro” na tinatawag. Kaya kung tutuusin, sadyang tugma at compatible talaga kayo sa para isa’t isa.
Dagdag dito, ang destiny number na nagkataong 4 din (11+13+1996=2020/ 20+20=40/ 4+0=4) ng ka-live-in partner mo at 2 naman ang destiny number mo (10+31+1995=2036/ 20+36=56/ 5+6=11/ 1+1=2) ang nagsasabing hindi lang kayo sa birth date at zodiac sign compatible kundi tugma rin kayo sa destiny number, dahil ang destiny number na 4 ay suwetong isama sa weak number na 2, tulad ng destiny number mo.
Ibig sabihin, anumang mga pagsubok ang pagdaanan n’yo, tiyak ang magaganap, sa dakong huli kayo pa rin ang magkakatuluyan.
Ibig sabihin, magpapalit-palit man ng girlfriend ‘yang tomboy o t-bird na karelasyon mo, wala ding tatagal sa kanya na kasing okey mo kaya sa bandang huli, sa iyo pa rin siya babagsak.
Kaya, hayaan mo lang siya ngayon na makipagrelasyon sa iba’t ibang babae. Dahil hindi rin naman sa kanya tatagal ‘yun mga makakarelasyon niya, at tulad ng nasabi na kapag dumating ang sandaling na nauntog at natauhan na siya, kusa siyang babalik sa iyo, at hihingi ng “sorry”.
Ang problema ay baka kung kailan dumating ang panahong nauntog na siya at humingi sa iyo ng sorry, huli na ang lahat, dahil tiyak sa panahon na ‘yun may iba ka na ring minamahal. Maaaring may bago ka na ring ka-live-in na mas higit pa sa kanya.
Pero mangyayari lang ‘yun, kung halimbawang makatagpo ka muli ng isang tomboy o isang t-bird na may birth date na 4, 13, 22, 31, may zodiac sign na Scorpio o kaya’y Cancer na may destiny number ding 7, 16 at 25, kung saan, ang ganyang uri ng mga tao ang tunay na ka-compatible mo, na siyang nakatakdang makasama mo sa pagbuo ng isang maunlad at maligayang relasyon habambuhay.




Comments