top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Beauty queen, 5 Russian, huli sa aktong ibinubugaw sa 5-star hotel

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 1 min read

ni Jeff Tumbado @News | August 16, 2026



Beauty queen, 5 Russian, huli sa aktong ibinubugaw sa 5-star hotel

Photo: NBI International Operations Division



Isang dating beauty queen at limang babaeng Russian ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang operasyon laban sa human trafficking sa isang 5-star hotel sa Makati City.


Ayon sa NBI, isinagawa ng International Operations Division (IOD) ang operasyon nitong madaling-araw ng Huwebes.


Nauwi rin ito sa pagkakaaresto sa isang lalaking talent manager at may-ari ng isang kilalang modeling agency.


Sinabi ng NBI na nakatanggap sila ng impormasyon na ang mga biktima—kabilang ang dating Pinay beauty pageant titleholder, artista at modelo—ay iniaalok para sa commercial sexual exploitation.


Kasama rin umano sa modus ang pag-aayos ng lokal at internasyonal na biyahe para sa mga serbisyong companionship.


Sa isinagawang entrapment operation, nakipag-ugnayan ang NBI agent-on-case upang i-book ang mga babaeng inaalok ng suspek.


Ayon sa NBI, pumayag ang suspek na ibigay ang mga babae sa halagang P25,000 bawat isa, bukod pa sa komisyon, matapos umano itong magbigay ng discounted rate.


Agad na inaresto ang suspek matapos nitong tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer ng NBI-IOD.


Samantala, ang anim na babaeng nasagip ay kasalukuyang nasa protective care ng Makati City Social Welfare and Development Office para sa kaukulang aftercare at iba pang kinakailangang intervention.


Sumailalim naman sa inquest proceedings ang naarestong suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page