Bayanihan 3, kontra tambay

@Editorial | February 19, 2021
Marami ang naniniwalang na maiiwasan ang tanggalan sa mga manggagawa kapag natuloy ang wage subsidy program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakapaloob sa Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3.
Batay sa panukala, isa-subsidize ng gobyerno ng 25 hanggang 50 percent ang sahod ng mga manggagawa.
Napag-alamang aabot sa mahigit 400,000 manggagawa sa formal economy ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, habang mas marami pa mula naman sa informal economy.
Nauna nang inihain ang House Bill 8628 o ang proposed Bayanihan 3, na gagamit ng P420 bilyong pondo para sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng panukalang-batas, nakapaloob ang P52 bilyong inilalaan para sa wage subsidies. Nasa 224 kongresista mula sa supermajority, minority at independent blocs naman ang lumagda bilang principal o co-authors.
Sakaling makalusot, masasabing napakalaking tulong nito hindi lang sa mga manggagawa kundi maging sa mga negosyante dahil magsisilbi rin itong alalay sa operasyon o negosyo.
Ang kailangan lang ay matiyak na maipamamahagi ito nang maayos at hindi maligaw sa bulsa ng kung sinuman.
Tulad ng palagi nating sinasabi, kung may pondo naman ang gobyerno, eh, gamitin na. Ngayon ang tamang panahon para ibalik sa taumbayan ang pondong galing din naman sa buwis, sa tapat na pag-aambag ng publiko para sa ekonomiya ng bayan.



Comments