ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 16, 2024
Jusko, nakahanap talaga ng pagpipiyestahan ang madlang pipol sa katauhan ng ating double gold medalist sa Paris Olympics 2024 na si Carlos Yulo.
Eh, ang sarap-sarap nga namang opinyunan ang buhay ni Yulo, hindi lang dahil bayani ang tingin sa kanya ngayon ng mga Pilipino kundi higit ang away niya sa kanyang inang si Angelica Yulo.
Kani-kanyang komento ang mga netizens, may nagtatanggol, pero mas maraming namba-bash ngayon kay Caloy dahil sa pandededma raw na ginagawa nito sa kanyang pamilya mula nang bumalik siya sa 'Pinas.
Kahit 'di naman nila kapamilya o kaanu-ano si Carlos, kung sumbatan nila ito sa pagsasawalang-bahala sa kanyang mga magulang, mga kapatid, lolo't lola, etc. ay parang sila ang direktang nasaktan.
May nabasa pa nga kaming komento na buti pa raw ang kaliwa't kanang pagpapainterbyu ay naharap na ni Carlos, pero ang pakikipag-ayos sa nakaalitang ina ay hindi pa rin nito mahanapan ng oras.
Nandiyan din ang panunumbat ng ilan na buti pa ang condo na ibinigay sa kanya ay napuntahan na ng double gold medalist, pero ang umuwi sa kanilang bahay ay 'di niya magawa.
Lalong gigil much ang mga netizens kapag nakikita na todo-enjoy ngayon si Carlos sa katas ng kanyang tagumpay kasama ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose, samantalang ang kanyang pamilya na karamay niya nu'ng nag-uumpisa pa lang siyang mangarap at nagsasanay na maging mahusay na atleta ay nakukuntento na lang kung anumang meron sila.
Nanghihinayang din ang mga nu'ng una'y bilib na bilib kay Carlos dahil imbes daw na magkaroon pa ito ng maraming offer na endorsements bukod sa kaliwa't kanang incentives niya ngayon ay paano pa siya kukunin kung may record na siya bilang ingrato at walang utang na loob na anak?
Hay, sana lang, habang maaga ay maayos na ni Carlos Yulo ang problema nila ng kanyang ina dahil ang yaman at kasikatan ay nauubos at nawawala, pero ang pamilya, nandiyan lang anuman ang mangyari sa kanya.
NAPAPANAHON naman ang isyung tinalakay sa CIA with BA nu'ng nakaraang Linggo (Aug. 11), dahil kung si Carlos Yulo, nakaalitan ang inang si Angelica Yulo dahil umano sa pera at pagtutol ng mga magulang niya sa kanyang girlfriend na si Chloe San Jose, ang idinulog naman sa Case 2 Face segment ng show ay ang pagiging sobrang lasenggo ng isang ama na hiniling na mamatay na ang mga anak para may makuha siyang abuloy sa burol ng mga ito.
Ayon kay Erwin, ang nakababatang kapatid ni Jeffrey, kapag nalalasing na ang huli, kung anu-anong masasakit na salita na ang sinasabi nito sa mga anak, tulad nga ng sana ay mamatay na ang mga ito para may makuha siyang pakinabang mula sa abuloy.
Inilapit na raw ni Erwin sa barangay ang problema sa kapatid para mabigyan ito ng counseling pero walang nangyari.
Nu'ng una ay idinedenay pa ito ni Jeffrey sa mga hosts ng CIA with BA na sina Sens. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano at Boy Abunda, pero kalaunan ay umamin din sa kanyang pagkakamali at kung bakit siya humantong sa sobrang pag-inom.
Bilang co-host at mambabatas, ipinaliwanag ni Sen. Pia kay Jeffrey na malinaw sa batas na obligasyon niyang alagaan ang kanyang mga anak.
Ipinangako ng programa na tutulungan si Jeffrey sa counseling at bibigyan ng suporta ang kanyang mga anak, lalo na si Jeremy na nangangailangan ng medikal na check-up.
“Hindi mo kontrolado ang aksiyon ng isang tao, pero kontrolado mo ang reaksiyon mo,” sabi naman ni Sen. Alan habang ibinabahagi ang kanyang natutunan sa isyu.
Payo naman ni Tito Boy, "Importante na nakikinig tayo. Importante ‘yung sinasabi natin palagi na may intervention — isang tao na iginagalang, isang tao na nagsasabing, ‘Dahan-dahan. Medyo hindi na tama ang iyong ginagawa.’”
Maraming aral na natututunan tungkol sa buhay at sa batas sa CIA with BA na napapanood tuwing Linggo, 11:00 PM sa GMA-7, at may replays sa GTV tuwing Sabado, 10:30 PM.
Yorumlar