Bayad pa more tayo ng tax para ipondo sa confi funds at pork barrel, pwe!
- BULGAR
- Dec 12, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 12, 2022
DAPAT ISALPAK SA KUKUTE NI SEC. DIOKNO NA PERA NG MGA MIYEMBRO ANG NASA GSIS AT SSS, HINDI NG MGA GSIS AT SSS OFFICIALS—Dahil sa protesta ng mga miyembro ng Government Service Insurance System ( GSIS) at Social Security System (SSS) na huwag isama ang kanilang pondo sa Maharlika Wealth Fund ay nagpasya ang Kongreso na huwag na galawin, pero si Finance Sec. Benjamin Diokno ay humirit pa, na kesyo puwede pa rin mag-invest basta aaprubahan lang ng mga board ng GSIS at SSS.
Pambihira, eh, ayaw na nga ng mga GSIS at SSS members na ipasok sa MWF ang kanilang pension funds, ipipilit pa ni Diokno.
Dapat isalpak ni Diokno sa kanyang kukute na ang perang nasa GSIS at SSS ay pera ng mga miyembro at hindi pera ng mga opisyal ng GSIS at SSS.
◘◘◘
PERA NG BAYAN, HINDI DAPAT IPASOK SA MAHARLIKA WEALTH FUND DAHIL BUKOD SA BAON SA UTANG, MADALAS PANG KINAKAPOS ANG PONDO NG BAYAN—Totoo na maraming bansa ang pumasok sa investment, pero hindi sila masyadong baon sa utang at ang inilalagak nila sa government investment fund ay mula sa sobrang pondo ng kanilang pamahalaan.
Pero sa Pilipinas, baon sa utang at mismong Bureau of Treasury (BOT) ang nagsasabing may pagkakataon na sa isang buwan ay kinakapos sa pondo ang Philippine government, kaya't hindi puwedeng isapalaran ang kaban ng bayan sa walang kasiguruhang kita dahil kapag natalo o na-scam ang pera ng bayan, mamamayan ang talo riyan.
◘◘◘
TAUMBAYAN ANG NAGHIRAP SA TAX, TAPOS SA CONFIDENTIAL AT PORK BARREL FUNDS LANG NG MGA TRAPO MAPUPUNTA—Sa monthly billing sa konsumo ng kuryente ay may 10% tax na kasama na babayaran sa gobyerno, sa buwanang sahod naman, kung ito ay P25K pataas, awtomatik na may kaltas ang 15% tax at sa mga produktong binibili ay may 12 VAT, na kung pakasusuriin ay sobrang pahirap talaga ito sa mamamayan.
Ang nakakabuwisit at nakalulungkot sa tax ay iniipon ang malaking bahagi nito para ipamigay na confidential funds at pork barrel sa mga trapo.
◘◘◘
ILLEGAL MINI-CASINO SA BAGUIO CITY, FRONT NG DRUG DEALS—Dapat manmanan ng mga taga-Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) ang illegal na mini-casino ni alyas Patrick sa Legarda Road at Bokawkan Road, kapwa sa Baguio City.
May impormasyon na sa illegal mini-casino ay may nagaganap umanong drug deal.
Dahil walang aksyon sa illegal mini-casino sina Mayor Benjamin Magalong at chief of police Col. Glenn Lonogan, kailangan ang PDEA at PNP-IMEG na ang dapat umaksyon.





Comments