top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bayad ng mga komyuter, tapatan ng maayos na serbisyo sa EDSA carousel

BULGAR
Jan 6, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 6, 2023

Kasunod ng pagtatapos ng Libreng Sakay program ng pamahalaan noong Disyembre 31, 2022, binawasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga bus na bumabiyahe sa EDSA Carousel busway.


Ayon sa LTFRB, mula sa 758 units na idineploy upang magsilbi sa mga komyuter noong holiday rush, ibinalik nila sa orihinal na 550 units ang bilang ng public utility buses (PUBs).


Gayunman, kasalukuyan umanong mino-monitor ng LTFRB ang sitwasyon upang matukoy kung sapat ang naturang bilang ng mga bus upang tugunan ang commuter demand o kung kakailanganin pa nilang mag-deploy ng karagdagang units.


Mula noong Enero 1 o matapos ang programa, nabatid na ang mga bus na bumabiyahe sa ruta ng EDSA Carousel ay naniningil ng mula P12 hanggang P73, alinsunod sa fare matrix na inaprubahan ng LTFRB.


Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz, layunin ng fare matrix na tiyaking sinisingil nang tama ang mga pasahero. Kasabay nito ay hinikayat ng opisyal ang mga pasahero na i-report sa kanilang tanggapan kung may pang-aabusong ginagawa ang mga drayber, partikular ang paniningil ng sobrang pasahe.


Matatandaang sa unang araw ng muling paniningil ng pamasahe sa EDSA Carousel, tumambad sa mga pasahero ang mahabang pila sa mga bus stations.


Sa dami ng nagbalik-trabaho matapos ang holiday season, inaasahan na ng iba ang mga ganitong eksena, kaya imbes magpaabot ng rush hour ay inagahan ang pagpunta sa mga istasyon. ‘Yun nga lang, dahil mas kaunti na ang mga bumabiyaheng bus ay maraming natengga at no choice na maghintay ng masasakyan.


Bagama’t kinakaya naman ng pasensya ng ilang komyuter, marami ang nananawagan na dagdagan ang mga bus para makatipid sila sa oras.


Ngayon pa lang ay nakikita na natin ang mga kakulangan at kailangang tugunan. Kaya naman hiling natin sa mga kinauukulan, gawin na ang mga hakbang na makatutulong para maging maginhawa ang kanilang biyahe.


Tutal, nagbabayad naman ang mga komyuter, tapatan natin ito ng maayos na serbisyo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page