Bawi-lisensya sa tsuper na sobra maningil
ni Ryan Sison @Boses | August 6, 2023
Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney driver kaugnay sa pagbibigay ng "fixed rate" sa mga pasahero malayo man o malapit sa terminal ang destinasyon.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang mga driver na mahuhuli na naniningil ng fixed rate ay maaaring masuspinde at makansela ang prangkisa.
Maaari rin umanong masuspinde o mabawi ang kanilang driver’s license kapag naulit ang paglabag.
Napag-alaman sa isang komyuter, na isa ring estudyante kung saan araw-araw sumasakay ng jeepney, na ang dapat na ibinabayad niya lang ay P18, ngunit sinisingil siya ng P35 hanggang P60 dahil sa fixed rate.
Paliwanag ng mga driver, hindi sila kikita kung hindi sila naniningil ng mas mataas na pamasahe.
Bukod sa mahabang pila, nagbabayad din umano ang mga driver ng terminal, gas, at boundary fee.
Giit naman ng LTFRB, maaaring maghain ng petisyon ang mga tsuper para magpatupad ng mas mataas na pamasahe.
Naiintindihan natin ang hinaing ng mga tsuper na kulang talaga ang kanilang kinikita, at pinalala pa ngayon ng nagtataasang presyo ng mga bilihin pati na rin dagdag-presyo sa gasolina at diesel, ngunit kung sobra-sobra na ang singil nila, hindi na iyon patas para sa mga pasahero.
‘Yung iba kasi, umaabuso na kaya ang mga pasahero naman ang kawawa. Maaari naman silang humirit sa LTFRB upang matugunan ang kanilang mga hinaing.
Panawagan naman sa LTFRB, makipag-ugnayan din sa mga tsuper para malaman nila ang tunay na sitwasyon at maunawaan ang lagay ng mga ito, at huwag puro pagbabanta lamang.
Matagal nang may ganitong kalakaran ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malay ang ahensya kaya marahil tila wala silang aksyon.
Para sa mga abusadong tsuper, huwag nang hintayin na kayo ay masampolan at tigil-tigilan na rin ang pagbibigay ng fixed rate sa mga kaawa-awang pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments