top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Bawi-lisensya agad sa mga pasaway na driver

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 12, 2024
1 min read

@Editorial | Marso 12, 2024


Hanggang ngayon, marami pa ring pasaway na motorista.


Alam naman nila ang batas-trapiko pero ayaw pa ring sundin. Para bang masaya pa sila na may nalalabag na batas at napeperhuwisyong tao.


Bilang patunay, ayon sa Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR), halos 3,500 ang nahuling traffic violators sa buwan lang ng Pebrero.


Ayon sa pinakabagong datos mula sa LTO-NCR Traffic Safety Unit (TSU), nahuli ng Law Enforcement Unit at Law Enforcement Team ng ahensya ang 3,447 motorista dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.


Isa sa mga batas na nilabag ang Republic Act (RA) 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code. Kasama rito ang kaso na may kinalaman sa mga hindi rehistradong sasakyan, na tumutugma sa ‘No Registration, No Travel’ policy.


Ilang motorista rin ang nahuli sa mga defective accessories, devices, o equipments.


Habang ang ilang motorista naman ay dahil sa hindi paggamit ng seatbelt. Bukod dito, may mga pinatawan din ng parusa dahil sa ‘di pagsusuot ng tamang helmet.


Bakit nga ba may mga motorista na hirap sumunod kahit sa mga simpleng batas-trapiko? Hindi ba nila naiisip na bukod sa multa at abala, puwede pang malagay sa alanganin ang buhay sa pagbalewala sa mga batas.


Sana, matauhan na ang mga matitigas ang ulo at mga kapalmuks d’yan. Kung ayaw sumunod, huwag nang magmaneho para ‘di makapamerhuwisyo.


Para naman sa gobyerno, baka panahon na para magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga pasaway na drayber. Kung puwedeng bawian agad ng lisensya, gawin na.

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page