Bawal sa impeachment trial ni VP Sara... Sen. Jinggoy, nagpasaklolo SC

ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2026

Photo: File / Jinggoy Estrada sa BJMP - Jeff Tumbado
Nais makadalo ni Senador Jinggoy Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Bunsod nito, naghain ang kampo ni Estrada ng petition for certiorari sa Supreme Court (SC) upang baligtarin ang desisyon ng Sandiganbayan na pagbasura sa hiling ng mambabatas na makadalo at makalahok sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Estrada, mahalaga rin magampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin bilang senator-judge.
Sa kanilang inihaing Petition for Certiorari, iginiit ng law firm Flaminiano Arroyo & Dueñas, ang legal counsel ni Estrada, na nagkaroon ng grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction ang Sandiganbayan Fifth Division nang tanggihan nito ang mosyon ng senador noong Hulyo 9, 2026.
Ayon sa mga abogado mula sa Flaminiano Arroyo & Dueñas, bagama’t nakakulong sa New Quezon City Jail sa Brgy. Payatas si Estrada kaugnay ng kasong plunder, hindi ito nangangahulugang nawawala na ang kanyang tungkulin at karapatan bilang isang incumbent senator ng bansa.
Giit din ng kanyang legal counsel na ang pakikilahok sa isang makasaysayang impeachment trial ay isang solemn at napakahalagang tungkuling itinakda ng Saligang Batas na nangangailangan ng kanyang personal na pagdalo upang makinig sa mga ebidensiya, makapag-akda ng mga tanong, at makaboto nang maayos. Nilinaw nila na hindi sila naghahabol ng piyansa o kalayaan si Estrada para sa kanyang sariling kaso, kundi humihiling lamang ng pansamantalang pahintulot na makadalo sa pagdinig sa ilalim pa rin ng buong pangangalaga at kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Dahil sa matinding urgency at kahalagahan sa pampublikong interes ng nasabing usapin, umaasa ang Flaminiano Arroyo & Dueñas at si Estrada na agad itong bibigyan ng pansin at kaukulang aksiyon ng Kataas-taasang Hukuman upang magampanan ng senador ang kanyang mandato sa bayan bilang senator-judge.
Nahaharap si Estrada sa kasong plunder na may kinalaman sa flood control scandal.





Comments