Bawal na relasyon sa bayaw, dapat nang tigilan dahil ‘di makakatuluyan
- BULGAR
- Apr 18, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 18, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto kong malaman kung masama bang makipag-relasyon sa bayaw habang nasa ibang bansa ang kapatid ko? Kasi hindi pa sila magkasintahan, ang totoo nito ay ako na ang unang nililigawan ng bayaw ko, pero inakit siya ng ate ko kaya naging sila.
Pero ngayong nag-abroad na si ate, hindi sinasadyang may nangyari sa amin ng bayaw ko. Compatible ba kami at kami na ba ang magsasama habambuhay? ‘Wag n’yo nang ilagay ang mga kumpletong birthday at address namin para maproteksiyunan ang mga taong involved sa problema kong ito. Sa ngayon ay lihim lang ang relasyon namin ng bayaw ko at walang nakakaalam.
Umaasa,
Precious Love
Dear Precious Love,
Tunay ngang masamang makipagrelasyon, hindi lamang sa bayaw mo kundi sa isang taong may asawa na— bayaw mo man siya o hindi.
Habang ang pinakamasaklap pa sa sitwasyon mo, nagkataong bukod sa may asawa na siya ay bayaw mo pa siya. Kaya kung tutuusin, lalong bumibigat ang iyong kasalanan kung patuloy kang papatol sa kanya.
Kahit anong anggulo mo tingnan, kahit ano pa ang sabihin at gawin mong katwiran, tunay ngang mali ang iyong ginagawa sa kasalukuyan. Idagdag pang ang lumalabas nito ay sinasamantala ka lang ng bayaw mo habang inaahas mo naman ang iyong ate na nasa ibang bansa.
Dahil dito, bago mahuli ang lahat at bago dumating ang sandali na pare-pareho kayong mapahamak, layuan at iwasan mo na ang iyong bayaw sa lalong madaling panahon.
Tandaang sa bawat ginagawa nating masama rito sa mundong ito, dagdag na sama rin ang nakatakda nating anihin sa susunod na mga araw at yugto ng ating buhay.
Masarap lang gawin ang masama sa araw na ito o sa mga sandaling nadadaig ka ng init ng katawan dahil hindi mo maiwasan ang sarap at dahil hindi pa ipinapataw sa iyo ng tadhana ang consequences ng mali mong ginawa. Subalit kapag dumating na ang takdang araw ng paniningil o pagbabayad sa mali mong ginawa, tiyak ang magaganap na ikaw din ang mapipinsala at sarili mo rin ang mapapahamak sa bawat pagkakamali at ka-immoralan mong ginagawa sa kasalukuyan.
Samantala, kapansin-pansin ding hindi kayo compatible ng bayaw mo, kung saan ang Scorpio at Libra ay hindi tugma sa isa’t isa, ganundin ang birth date mong 10 at 12 naman ang birthday ng bayaw mo. At dahil hindi nga kayo tugma sa isa’t isa, sa bandang huli ay guguho rin nang kusa ang inyong lihim na relasyon at matapos kang mapagparausan at pagsawaan ng iyong bayaw, sa pagkakasala at sa pagsisisi lamang mauuwi at hahantong ang inyong ginagawang ka-immoralan sa kasalukuyan.
Kaya ang pinaka-tamang gawin mo ngayon, Precious Love, tulad ng nasabi na, layuan at iwasan mo na ang iyong bayaw at maghanap ka ng isang matino at binatang lalaki na susuweto sa iyong pangangailangan. Sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Cancer o Taurus na may birth date na 4, 13, 22, 31, 7, 16 o 25. Sa piling ng nasabing lalaki, dahil siya ay binata at walang pananagutan sa buhay, masosolo mo na siya at ang nasabing nasa tama at legal na relasyon ay nakatakdang humantong sa isang mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.



Comments