Bawal malingat ang Team U.S.A. vs. Italya sa q'finals
- BULGAR

- Sep 5, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 5, 2023

Mga laro ngayong Martes – MOA
4:45 PM Lithuania vs. Serbia
8:40 PM Italya vs. USA
Sisipa ngayong Martes ang quarterfinals ng 2023 FIBA World Cup sa Mall of Asia Arena at bawal na ang magkamali. Gagawin ng nalalabing paboritong Team USA ang lahat laban sa inspiradong Italya sa tampok na laro ng 8:40 p.m. matapos ang salpukan ng mga bigating Lithuania at Serbia sa 4:45 ng hapon.
Galing ang mga Amerikano sa unang talo sa torneo sa kamay ng Lithuania noong Linggo ng gabi, 110-104. Kahit bigo, hindi nababahala si Coach Steve Kerr dahil buhay pa ang kanilang ultimong layunin na mauwi ang Naismith Trophy.
Maagang umarangkada ang Lithuania at ipinasok ang kanilang unang siyam na three-points patungo sa 54-37 lamang sa halftime. Subalit pinuri ni Coach Kerr ang inilaro ng kanyang koponan sa second half at muntik na baligtarin ang resulta kung hindi lang sa ilang pagkakamali sa dulo.
Siyam na Lithuanian ang nagtala ng siyam o higit na puntos sa pangunguna ni Kariniauskas na may 15 upang manatiling walang talo sa limang laban. Mag-iisang gumawa ng 35 si Anthony Edwards at biglang nagpakumbaba siya matapos magsalita noong Miyerkules na tatalunin nila ang Montenegro at Lithuania.
Pumasok ang mga Italyano sa quarterfinals sa 73-57 tambak sa Puerto Rico noong Linggo sa Araneta Coliseum. Patuloy na aasa sila sa husay nina Simone Fontecchio, Marco Spissu, Stefano Tonut at Nicolo Melli.

Nakuha ng Serbia ang kanilang tiket sa bisa ng 112-79 pagwagi sa Dominican Republic. Aabangan muli ang matalas na shooting ni Bogdan Bogdanovic at suporta nina Nikola Jovic at 7’0” sentro Nikola Milutinov.
Darating na rin sa Pilipinas ang mga koponan na nakapasok galing sa mga laro sa Okinawa, Japan at Jakarta, Indonesia. Magkakaroon na ng bagong kampeon matapos pauwiin ng Canada ang defending champion Espanya, 88-85, sa huling laro ng Round 2 sa Indonesia Arena.
Haharapin ng Canada si Luka Doncic at Slovenia sa Miyerkules. Ang isa pang quarterfinal ay sa pagitan ng walang talong Alemanya at ang nakakagulat na Latvia na nakapasok matapos manaig sa Brazil, 104-84.








Comments