top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Batas para madagdagan ang mga doktor sa bansa, malaking tulong kontra COVID-19

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 9, 2021
1 min read

@Editorial | January 9, 2021



Timeout muna sa mga kontrobersiyal na isyu at masalimuot na kaganapan sa bansa.


Ngayon ay bigyang-daan muna natin ang pagsasabatas ng Doktor Para sa Bayan Act.


Kamakailan nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala na magbibigay ng medical scholarship sa mga kuwalipikadong estudyante.


Magsisilbi umanong complementary measure ang Republic Act 11509 sa Universal Health Care Act, upang mapalakas pa ang reporma sa health care service ng gobyerno.


Sa pamamagitan nito ay mas mapagbubuti pa ang public health workforce dahil madaragdagan na ang mga “doctor-to-population ratio” upang makasabay sa international standards.


Napag-alamang nasa 3 manggagamot sa kada 10,000 Filipino ang doctor-to-population ratio ng bansa, malayo sa World Health Organization (WHO)-prescribed ratio na 10 sa kada 10,000 populasyon.


At dahil nariyan na ang batas, asahang mabibigyan ng medical scholarship at return service program ang mga deserving students mula sa state universities and colleges (SUCs) o private higher education institutions (PHEIs) sa mga rehiyon na walang iniaalok na medical course.


Kaugnay nito, makatatanggap ng libreng matrikula at iba pang bayarin, allowances para sa libro, supplies, equipment, clothing, dormitory at transportation, libreng internship fees, medical board review fees at annual medical insurance ang mga estudyanteng makakapasok sa programa.


Kung magiging maayos ang pagpapatupad ng nasabing batas tiyak na madaragdagan na ang mga doktor sa bansa at may dagdag-puwersa nang lalaban sa COVID-19 pandemic at iba pang karamdaman.


Aminin natin, nakalulungkot na may mga kababayan tayong doktor, nurse at iba pang health workers ang mas pinipili o napipilitang mag-abroad dahil sa iba’t ibang kadahilanan.


Kaya panahon na para magkaroon ng mga susunod sa hanay at kasabay nito ang pagbibigay din sana sa kanila ng sapat na dahilan para manatili sa sariling bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page