ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 29, 2024
DAPAT PANOORIN NINA MAYORA HONEY LACUNA, VM SERVO AT MGA KONSEHAL ANG ‘BATANG QUIAPO’ -- Dapat ang tema ng teleseryeng “Batang Quiapo” ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Coco Martin ay katulad din ng “Batang Quiapo” ni Da King Fernando Poe, Jr. noong dekada 80, na ang tema ay action-comedy at mga nakakatuwang pangyayari sa Quiapo.
Pero rito sa “Batang Quiapo” ni Coco Martin, aba’y ang tema tungkol sa laganap na kalakaran ng illegal drugs sa Quiapo, Maynila, na kaya “barilan nang barilan,” “nagpapatayan” sa lugar na ito ang mga magkakalaban sa drug syndicate ay dahil sa laki ng kuwartang kinikita sa droga.
Aba’y kahit sabihing teleserye lang naman ‘yan, kahit paano, lalo sa mga batang nakakapanood nito ay mag-iisip na, “ganu’n pala sa Quiapo”.
Ang kuwestiyon: Hindi ba nanonood ng “Batang Quiapo” sina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at mga konsehal ng lungsod? Para makorek nila kung may nangyayari ngang ganyan, boom!
XXX
SABI NI EX-P-DUTERTE NOON WALANG GINAGAWA SI PBBM, TAPOS SA SURVEY NG OCTA MATAAS ANG RATING NG PRESIDENTE -- Ikinatuwa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang pagtaas ng kanyang rating sa survey ng OCTA Research firm, na ayon sa survey ay mula sa 69% trust rating ng Pangulo sa 1st quarter ng 2024 ay tumaas ito sa 71% sa ikalawang quarter ng kasalukuyang taon.
Aba’y matutuwa talaga ang Pangulo kasi mantakin n’yo, sabi kamakailan lang ni ex-P-Duterte na wala namang ginagawa si PBBM para maiahon sa kahirapan ang mamamayan, tapos sa survey ng OCTA tumaas ang kanyang rating sa survey, boom!
XXX
HARRY ROQUE, BAKA MATADTAD NG KASO SA MARCOS ADMIN -- Sinabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante na maituturing na isang “treasonous” o pagtataksil ang panawagan ni former presidential spokesman Harry Roque na mag-people power para patalsikin sa puwesto si PBBM.
Tila matatadtad ng kaso si Roque sa Marcos administration kasi bukod sa kasong qualified trafficking in person na isasampa sa kanya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kaugnay sa pagkakasangkot niya sa operasyon ng illegal na POGO sa bansa, ay posible pa pala siyang maharap sa kasong treason, period!
XXX
MABABATIKOS TALAGA ANG LTO, KASI PALPAK SILA SA PAG-IISYU NG PLAKA, TAPOS MANGHUHULI NG MGA MOTORSIKLONG NAKAKABIT NA PLAKA IMPROVISED O TEMPORARY -- Pinutakti nang batikos ang Land Transportation Office (LTO) sa planong hulihin ang mga rider na lulan ng mga motorsiklo na ang nakakabit na plaka ay improvised o temporary.
Mababatikos talaga kasi mantakin n’yo, ang kupad ng LTO sa pag-iisyu ng plaka sa mga bagong motorsiklo, tapos huhulihin nila ang mga rider na gumagamit ng mga motorsiklong may nakakabit na improvised o temporary license plates, boom!
Comments