Basura na bumagsak sa mga bahay, 30 todas
- BULGAR

- 4 minutes ago
- 1 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | August 25, 2026

Photo: 30 katao patay sa pagguho ng waste site at bumagsak sa mga kalapit na bahay sa Conakry, kabisera ng Guinea - AFP-Al Jazeera
Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi matapos gumuho ang malaking tambak ng basura sa isang pangunahing waste site at bumagsak sa mga kalapit na bahay sa Conakry, kabisera ng Guinea.
Aabot naman sa 22 katao ang nasugatan, kabilang ang anim na malubha ang kalagayan, sa lugar ng Dar-es-Salam.
Nangyari ang insidente alas-2:00 ng madaling-araw matapos ang malakas na pag-ulan. Agad namang nagpakilos ang pamahalaan ng mga tauhan at kagamitan, kabilang ang militar, upang hanapin ang mga posibleng nakaligtas.
Ayon sa isang residente, lima niyang anak ang nasawi sa trahedya. Dahil dito, nangangambang tataas pa ang bilang ng mga biktima.
Gumamit ang mga rescuer ng excavator upang halughugin ang tambak ng basura. Personal ding nagtungo sa lugar si Guinea Prime Minister Mamadou Oury Bah upang pangasiwaan ang rescue operations.
Ayon kay Lancine Sylla, lider ng komunidad, 18 bangkay na ang nakuha at dinala sa morgue.
Hindi ito ang unang ganitong insidente sa lugar. Noong 2017, sampung katao rin ang nasawi matapos ang isa pang pagguho.





Comments