Barons, Delta at Republicans, mga lider na sa Chairman's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 21, 2021

Sinigurado ng Quezon Barons na hindi masasayang ang mahigit 200 kilometro na inilakbay upang padapain ang kapitbahay na STAN Spartan, 89-65, sa unang paghaharap ng dalawang kinatawan ng lalawigan ng Quezon sa pagpapatuloy ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 Linggo ng gabi mula sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Tabla ang Barons, Pampanga Delta at ang nagpapahingang Bulacan DF Republicans sa maagang liderato ng torneo sa malinis na kartadang 2-0 panalo-talo.
Kontrolado ng Quezon ang buong 48 minuto maliban sa dalawang saglit na tumikim ng lang ang Spartan noong first quarter, 12-10 at 14-13. Mula roon ay namayagpag ang Barons at lumobo hanggang 30 ang lamang papasok sa huling 5 minuto, 87-57, matapos ang dalawang magkasunod na buslo ni Christopher Lagrama. Ipinasok ni Arjay Paul Dongog ang lahat ng 18 puntos sa first half at sapat ito para pangunahan ang Barons at gawaran bilang Best Player.
Muling inilabas ng Pampanga Delta ang kanilang buong lakas upang durugin ang bisitang Laguna Pistons, 116-73. Uminit ng todo ang shooting ni Levi Hernandez at madaling umakyat ang Delta sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay sa loob ng dalawang araw.
Bumuhos agad si Hernandez ng 11 puntos na mas marami pa sa buong Pistons upang itulak ang Pampanga sa 22-3 na lamang at hindi na sila lumingon mula roon. Dumagdag ng 17 puntos si Hernandez sa second quarter at talagang iniwanan ang Laguna, 67-37.
Samantala, hindi natuloy ang ikatlong nakatakdang laro sa pagitan ng DF Republicans at La Union PAOwer matapos magpositibo ang ilang kasapi ng mga koponan. Nananatiling numero uno sa liga ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mga kalahok.





Comments