BARBIE, GAME NANG MAGKADYOWA NG AFAM
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 31, 2026

Photo: IG _barbaraforteza
Ibang-iba na nga si Barbie Forteza ngayong 29 years old na siya. Ang laki-laki ng kanyang ipinag-mature sa maraming bagay. Pati na ang kanyang mindset sa isyu ng pakikipagrelasyon ay nagbago na rin.
Sa kanyang recent guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), natanong siya ng King of Talk kung willing ba siyang bigyan ng second chance ang dating karelasyon na nag-cheat.
Seryoso si Barbie sa kanyang pahayag na hindi niya bibigyan ng second chance ang isang cheater na ex-BF. Hindi niya matatanggap na ang lalaking kanyang minahal at pinagkatiwalaan ay magagawa siyang lokohin.
Samantala, maganda raw na huwag nang ibalik ang anumang regalo na ibinigay ng dating karelasyon. At may payo siya sa iba kung sakaling ayaw ibalik ang mga gamit.
Sey niya, “Basta siguraduhin mong fully paid na n’ya. Baka ikaw pa ang habulin.”
Well, single ang status ngayon ni Barbie after ng hiwalayan nila ni Jak Roberto. Wala siyang planong mag-entertain ng mga bagong suitors, pero okay daw kung may manliligaw na AFAM.
Bukod dito, sa nasabing guesting ng aktres sa FTWBA ay binawi niya ang kanyang mga pahayag na ‘date to marry’ ang gusto niya.
Sey niya, “Date when I’m sure” ang tamang sabihin dahil hindi raw siya magpapakasal anytime soon, kahit pa in love siya.
Ibinuking ni Marian… DINGDONG, BANIDOSO, PAPALIT-PALIT NG DAMIT BAGO MAKAPILI NG ISUSUOT
MARAMING fans ang naaliw sa pambubuking ni Marian Rivera sa kanyang mister na si Dingdong Dantes.
Ayon kay Marian, mas banidoso sa kanya si Dingdong. Kapag may event daw silang pupuntahan, ilang beses nagpapalit ang aktor ng isusuot bago makapili ng damit na magpi-fit sa kanya. Mas unang nakakapagbihis si Marian kaysa sa kanyang mister.
Masyado raw kasing metikuloso si Dingdong sa pag-aayos ng kanyang buhok, kahit pa ilang beses sabihin ni Marian na okay na ang kanyang hairstyle. Kaya natatawa na lang ang aktres sa ugali ng kanyang mister.
Pero mabusisi man si Dingdong sa pag-aayos sa kanyang sarili, para sa kanyang public image naman ‘yun bilang artista, at hindi ito nagpapabaya sa kanyang career.
Hindi lang sa pagho-host ng show tulad ng Family Feud (FF) siya magaling, mahusay din siyang aktor at kayang gampanan ang iba’t ibang klaseng roles.
Consistent na mataas ang rating ng show niyang The Master Cutter (TMC). Maging sa paggawa ng documentary, tulad ng Broken Roads, Broken Promises (BRBP), mahusay din siya at nagkamit ito ng Gold award bilang Best Factual Entertainment Programme Made in Asia for a Single Asia Market.
Mag-ama, kaya nagkatampuhan… MERYLL, MAS PINILING MAG-ARAL ABROAD KESA MAG-MANAGE NG NEGOSYO NI WILLIE
NAGKAROON pala noon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-amang Meryll Soriano at Willie Revillame. Nag-ugat ito sa pagtanggi ni Meryll na pamahalaan ang mga negosyo ng kanyang ama dahil gusto muna niyang tapusin ang kanyang pag-aaral.
Ang gusto noon ng aktres ay mag-aral ng Product Design sa Central Saint Martins College of Art and Design sa London kaya hindi niya tinanggap ang offer ni Willie.
Umalis si Meryll sa ‘Pinas at sinunod ang kanyang pangarap na makapag-aral.
Ganunpaman, hindi niya agad natapos ang kanyang pag-aaral at ilang beses niya itong sinubukang ipagpatuloy, pero sa showbiz talaga yata siya nakatadhana, kaya muli niyang binalikan ang pag-arte.
Nagkaroon din sila ng relasyon ng aktor na si Joem Bascon at nagkaroon sila ng isang anak na lalaki.
Hanggang ngayon ay pangarap pa rin ni Meryll na magkaroon ng college degree. Noon pa man ay sinabi na niyang nais niyang makapag-aral at makapagtapos.
At kung tutuusin, napakasuwerte niya dahil pinaghandaan ni Willie na mabigyan sila ng magandang future, ganoon din ang iba pa niyang mga kapatid.
KAHIT na hindi pa ganap na maka-move on sa pagkamatay ng kanyang ama sa isang aksidente, pinilit ni Kelvin Miranda na kayanin ang lahat dahil siya ang tumatayong breadwinner ng pamilya.
‘Ika nga, the show must go on, at may mga commitments siyang dapat tapusin. May obligasyon siyang dapat gampanan kaya tinatagan ni Kelvin ang kanyang sarili at hindi sumuko.
Patuloy siyang tumatanggap ng TV guestings. Papasok ang character ni Kelvin sa The Master Cutter (TMC), mapapasabak siya sa mga fight scenes.
Malaking tulong sa aktor na naging bahagi siya noon ng Encantadia Chronicles: Sang’gre (ECS) at gumanap sa karakter ni Adamus. Nasanay siya sa mga fight scenes, kaya magagamit niya ang kanyang karanasan sa action scenes ng TMC.
Na-star struck si Kelvin kay Dingdong. Isa sa kanyang mga pinangarap ang makasama sa isang serye ng aktor at natupad na ito. Inaalalayan pa siya nito sa kanilang mga eksena.





Comments