top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Banta ni P-BBM na tatapusin ang mga smuggler at hoarder, aabangan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 26, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 26, 2023


Mahigpit na nagbabala si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. laban sa mga smuggler at hoarder na nasa likod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural na nagpapahirap sa mga magsasaka at mamimili.


Ayon kay Marcos, na kalihim din ng Department of Agriculture (DA), hindi papayagan ng kanyang administrasyon ang anumang ipinagbabawal na gawain na nagsasamantala sa mga tao.


Hindi ito ang unang pagkakataon na sinisi ni Marcos ang smuggling at hoarding sa mataas na presyo ng mga produktong agrikultural, kabilang ang sibuyas at asukal.


Noong nakaraang buwan, binatikos din niya ang mga sindikato dahil sa pagtaas ng halaga ng ani sa agrikultura, lalo na sa unang quarter ng taon.


Kung matatandaan, ang presyo ng sibuyas ay umabot sa lampas P750 kada kilo nitong huling bahagi ng nakaraang taon. Ang smuggling ng asukal ay isa pang pangunahing isyu sa agrikultura na kinuwestiyon ng mga mambabatas.


Noong Marso, nakumpiska ng DA ang 780,000 kilo ng smuggled na asukal na nagkakahalaga ng P85 milyon sa Subic.


Nitong Marso rin, kinumpirma ng Bureau of Customs na patuloy ang smuggling at hoarding kasunod ng pagkakasamsam ng P120 milyong halaga ng mga livestock at seafood products mula sa mga bodega at storage facility sa Navotas.


Samantala, nanawagan ang mga kritiko para sa pagbibitiw ni Marcos sa DA dahil sa patuloy na mga isyu, na idiniin na ang ahensya ay nangangailangan ng isang hands-on na pinuno upang tugunan ang mga ito.


Napakarami pang ipinangako ni Marcos sa kanyang ikalawang SONA pero ang pinakamaganda sa sinabi nito ay ang pagbabanta niya sa mga smuggler at hoarder, at sinabing bilang na lang ang mga araw nito.


Totoong hindi na makatarungan ang kanilang mga ginagawa dahil nakikita naman natin kung gaano na nahihirapan ang ating mga magsasaka at mamimili.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page