Banta ng hand, foot and mouth disease, ‘wag ismolin!
ni Ryan Sison - @Boses | October 22, 2022
Sa gitna ng pagdami ng tinatamaan ng hinihinalang hand, foot and mouth disease (HFMD) sa Batangas City, nananawagan ang isang kongresista na ideklara na ang outbreak at suspendehin muna ang klase sa buong Batangas province.
Paliwanag ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro, dapat magdeklara ng class suspension ang Department of Education (DepEd) sa buong probinsya habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa mga specimen na kinuha sa mga batang may sintomas ang HFMD.
Bukod pa rito, nais din ng mambabatas na magdeklara ng HFMD outbreak sa Batangas, pero ayon sa provincial health office, dapat munang magdeklara ang mga lokal na pamahalaan.
Base sa datos, apat na ang kumpirmadong kaso ng HFMD sa Batangas City, habang hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri sa mga specimen na nakuha sa mga bata sa bayan ng San Pascual.
Habang nasa higit 80 pang suspected cases ang iniimbestigahan sa mga bayan ng Bauan, Cuenca, at Balete.
Sa ngayon, ang sinuspinde lamang ay ang mga eskwelahan na may naitalang hinihinalang kaso ng HFMD at kasabay nito, sabay-sabay na naglinis at nag-disinfect ng mga paaralan sa probinsya.
Samantala, ilan sa mga sintomas ng HFMD ay ang lagnat, pananakit ng lalamunan, pananakit ng ulo, rashes sa mga palad, rashes sa talampakan, walang ganang kumain, at sugat sa lalamunan, bibig at dila.
Gayunman, nakahahawa ito sa pamamagitan ng malapitang kontak o pagdikit sa mga may HFMD, pagbahing at pag-ubo, likido mula sa mga vesicle o dumi at paghawak sa mga kontaminadong bagay o gamit ng taong may HFMD.
Upang makaiwas, inirerekomendang maghugas ng mga kamay at iwasan ang pagyakap, pagdikit o paggamit ng mga bagay na gamit ng taong may HFMD at mag-disinfect at ugaliing maglinis upang makaiwas.
Hindi man mataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso, hindi pa rin tayo dapat makampante, lalo pa’t mga bata ang tinamaan ng sakit, gayundin ang mga suspected patient.
Kaya naman pakiusap sa lahat, huwag nating ismolin ang banta ng HFMD. Kung may nakitang sintomas, agad na kumonsulta sa doktor.
Habang panawagan natin sa mga kinauukulan, bantayang mabuti ang mga hinihinalang pasyente at magkaroon ng mga kaukulang hakbang upang maiwasan ang hawahan.
Batid nating natuto na tayo mula sa pandemya, kaya umaasa tayong handa ang lahat na magpatupad ng mga pag-iingat.
Hindi lamang sa COVID-19 dapat mag-ingat kundi maging sa iba pang mga sakit tulad ng HFMD.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments