Balik-ere ang Dos, asar-talo tuloy ang mga DDS!
- BULGAR

- Oct 11, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 11, 2020
PULSE ASIA, BAKA BIGYAN NG 100% PERFORMANCE RATING SI P-DUTERTE — Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque ay gagawa ng patalastas ang Malacañang na ang “model” ay si P-Duterte, na ang commercial ay may kaugnayan sa health protocols sa paglaban sa COVID-19.
Ganu’n? Aba, kung ganyang bibida si P-Duterte sa commercial, eh, malamang ay magkatotoo na ang kagustuhan ni Pastor Apollo Quiboloy at mga DDS na bigyan ng Pulse Asia ng 100% performance rating ang Pangulo, period!
◘◘◘
MAS MAKABULUHAN ANG SURVEY NG SWS KAYSA PULSE ASIA — Sa survey ng SWS, 86% Pinoy daw ang nakaranas ng stressed sa COVID-19 pandemic.
Totoo ‘yan, marami talagang stress sa pananalasa ng virus, at sa isyung ‘yan ay masasabing mas makabuluhan ang survey ng SWS kaysa Pulse Asia na kahit number 1 sa Southeast Asia at pasok sa Top 20 ang Pilipinas sa may pinakamaraming tinamaan ng virus, eh, binigyan nila ng 91% trust at 92% approval ratings ang Duterte gov’t. sa paglaban sa COVID-19, boom!
◘◘◘
SA OCT. 14, TILA SI VELASCO NA ANG MAGIGING BOSSING NG KONGRESO — Ayon kay Marinduque Rep. Allan Lord Velasco ay sa October 14 uupo na siya bilang bagong speaker ng Kongreso, at ang ginawang style ng tropa ni Speaker Alan Cayetano para hindi matuloy ang pag-takeover nito sa puwesto ay sinuspinde ang sesyon at sa November 5, 2020 na babalik sa Kamara ang mga mambabatas.
Hindi nagustuhan ni P-Duterte ang ginawan ‘yan ng tropa ni Cayetano kaya’t ang utos ng Pangulo, magsasagawa ng special session ang Kongreso ngayong Oct. 13 hanggang Oct. 15 para talakayin ang pagpasa ng 2021 National Budget.
Sa isyung ‘yan, tila matutuloy na ang pag-takeover ni Velasco bilang speaker sa Oct. 14, abangan!
◘◘◘
ASAR-TALO ANG MGA DDS KASI NAKABALIK SA FREE TV ANG ABS-CBN — Nag-start na kahapon ang pagbabalik sa free TV ng ABS-CBN.
Sa isyung ‘yan, asar-talo ang mga DDS na nagbunyi nang ibasura ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN kasi akala nila ay hindi na mapanonood ang Kapamilya network, ‘yun pala, makakabalik pa.
Sakit sa damdamin ‘yan ng mga DDS, boom!





Comments