top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Balik-ensayo ng pro sports iniatras uli dahil sa MECQ

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2020
  • 2 min read

ni Gerard Arce / VA - @Sports | August 4, 2020




Ang inaasahang pagbabalik-ensayo at pagsasanay ng professional sports teams kabilang na ang mga nasa PBA sa kalagitnaan ng buwan ay tiyak nang mauurong pagkaraang ilagay ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Ilalagay ang buong National Capital Region sa MECQ mula ngayong araw na ito- Agosto 4 hanggang 18 matapos irekomenda ni Department of Health Secretary Francisco Duque dahil na rin sa panawagan ng medical sector dulot ng pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus infections sa bansa.


Inaasahan nang mauurong ang nakatakda na sanang pagbabalik-ensayo ng mga professional sports teams na nauna ng pinayagan ng Inter-Agency Task Force.


Base sa nilalaman ng Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Health, Games and Amusements Board at ng Philippine Sports Commission, ang mga professional athletes ay maaari lamang makapagsanay ng solo sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.


Pinapayagan lamang ang ensayo ng mga teams sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ).


Tanging mga non-contact sports lamang na gaya ng biking, running, at jogging na mayroong minimum health standards ang puwedeng pahintulutan sa mga MECQ areas.


Binabalak sana ng PBA na magbalik ensayo na ang kanilang 12 teams ngayong buwan pagkaraang pumailalim sa swab testing ng lahat ng mga players, coaches at mga medical staffs sa darating na Agosto 7-8.


Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, iaantala na muna nila ang swab testing.

Kinakailangan aniya nilang mag-adjust at sumunod dahil para naman sa kaligtasan ng lahat ang nasabing desisyon ng gobyerno. "Since sinabi na ng government, kung makakabuti sa lahat yan, bakit hindi? So adjust kami at ide-delay lang muna natin ang testing at ia-adjust natin ang practice (of teams)," pahayag ni Marcial.


Ayon pa kay Marcial, ang pandemic ay seryosong banta para sa lahat kaya pinaalalahanan din nito ang mga PBA players na sumunod sa ipinatutupad na istriktong health and safety protocols bilang pakikiisa sa paglaban sa virus.


"Lahat naman tayo kinakabahan. Lahat naman tayo aligaga. Hindi lang naman PBA pero lahat ng tao so kailangan talaga ng disiplina ng tao. So kung ano ang sinasabing protocols, sundin natin," dagdag nito.


"And sinasabi ko rin sa kanila, alam ko excited na sila mag-practice pero para na din sa proteksyon ng lahat na obserbahan (ang health procols) kasi 'di naman natin ginusto ito."


Hindi rin umano siya naiinggit sa nauna ng pagbabalik at paglalaro muli ng NBA dahil ang kaligtasan ng lahat ang nananatiling prayoridad ng PBA.


"Di ka dapat mainggit dito kasi buhay ng tao ang nakataya dito. So wala ka dapat kainggitan. Wala ka dapat sisihin."


Maliban sa PBA, apektado rin ng paglalagay sa NCR sa MECQ ang dapat na pagbabalik-ensayo ng mga koponan ng Philippine Football League at Chooks-to-Go Pilipinas 3x3.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page