Balak na pag-aaral, dapat ituloy dahil mas uunlad kaysa sa work
- BULGAR
- Sep 12, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 12, 2022
Dear Maestro,
Nagtatrabaho ako bilang cashier, maganda ba kung mag-aral ako ng panibagong kurso? Gusto ko kasing mag-aral ng education, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo para hindi ako magkamali ng desisyon. Sa kasalukuyan, hindi ako regular sa trabaho, kaya gusto kong kumuha ng kursong education.
Sa tingin n’yo, magtatagal ba ako sa trabaho ko ngayon? Nagdadalawang-isip kasi ako kung itutuloy ko ang balak ko na mag-aral ulit. September 17, 1990 ang birthday ng mister ko at March 4, 1993 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Daniela ng Santo Cristo, Bago Bantay, Quezon City
Dear Daniela,
Madali lang ang kailangan mong gawin upang hindi ka magkamali ng desisyon. Kapag hindi ka na-regular sa kasalukuyan mong trabaho, tama lang na kumuha ka ng kursong education para magkaroon ka ng college degree. At kung kukuha ka ng board exam ay mas mainam dahil magiging ganap kang guro na maaaring magtrabaho sa gobyerno. Tunay ngang walang masama kung mag-aaral ka ulit dahil ‘yun ang mas bagay at makabubuti sa career mo.
Sa tanong kung susuwertehin ka sa kursong education, positibo ang tugon dahil ang mga Taong Kuwatro (4) na tulad mo, halos pareho ng kapalaran ng mga Taong Otso (8), ang kaibahan lang, mas maraming mabibigat na pagsubok o bugbog ng tadhana ang dumarating sa Taong Otso, samantalang may ganundin ang mga Taong Kuwatro, pero hindi nila gaanong iniinda ang mga pagsubok, bagkus, tinatawanan lang nila ‘yun dahil mahilig sila sa kalokohan, hindi tulad ng mga Taong Otso na sobrang seryoso sa buhay.
Kung ikukumpara ang Taong Otso (kabilang silang may mga bitbit ng numerong 17 at 26) at Taong Kuwatro (kabilang silang may mga bitbit ng numerong 13, 22 at 31), halos hindi nagkakalayo ang kanilang kapalaran. Masasabing malungkot talaga ang buhay ng Taong Otso, habang mas masaya ang mga Taong Kuwatro, pero ang totoo, pareho silang dinadatnan ng biglaan at magandang kapalaran.
At dahil ang mga Taong Kuwatro ay hindi naman talaga seryoso sa buhay, higit na yumayaman ang mga Taong Otso. Kung yumaman man ang Taong Kuwatro na hindi seryoso sa buhay, kadalasan ay aksidente o may likas siyang suwerte, na wala naman sa mga Taong Otso, dahil kailangan pa nilang magsikap nang todo sa trabaho at mga gawaing pagkakaperahan bago sila umunlad at yumaman.
Hindi tulad ng mga Taong Kuwatro, malakas ang tsamba nila at kapag nangyari ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, tuloy-tuloy nilang nakukuha ang magandang kapalaran na hindi nila inaasahan at hindi nila alam kung paano napunta sa kanila ang magagandang kapalarang nabanggit.
Kaya kung lalong magseseryoso sa buhay ang mga Taong Kuwatro, tunay ngang mahihigitan pa nila ang magandang kapalaran na natatamo ng mga Taong Otso.
Tama ang binabalak mo, Daniela, seryosohin mo ang buhay, kaya mag-aral at magsikap ka. Tularan mo ang Taong Otso at makikita mo na darating ang panahon na ang lahat ng pinagsikapan mo ay magbubunga ng siksik at liglig na mga pagpapala, at ang iyong suwerte ay darating nang higit sa iyong inaasahan – ikaw ay tiyak na uunlad at yayaman.
Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, magsisimulang mangyari ang mga ito sa taong 2032 at sa edad mong 39 pataas.



Comments