top of page

Bakit paborito ng foreigners na magretiro at manatili sa ‘Pinas?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 10, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 10, 2020




Bakit nga ba marami nang mga dayuhan lalo na iyong mga nagkakaedad na pinipili ang bansang Pilipinas na kung magreretiro ay dito na mananatili at maninirahan at ilaan ang nalalabing panahon ng buhay sa anumang isla sa bansa? Marami na rin sa kanila ang vloggers na nakakadagdag promosyon sa kanilang mga kababayan sa ibang bansa para bumisita at dumayo sa magagandang isla sa ating bansa at paglaon nga ay tuluyan nang bumubuo ng pamilya rito.


May dalawang uri ng mga dayuhan ang nagtutungo sa Pilipinas; bumibiyahe o namamasyal lang at mga retirado. Para kay Angela Sabas ng Quora website, napakarami na ngayong foreigners mula pa noong 2007 ang lumilipat sa bansa para bumili ng bahay at lupa, maging ng condo unit upang maging habambuhay nang manirahan bilang isang retirado at kasama na asawang Pinoy/Pinay at mga anak.


Para sa mga biyaherong foreigner, paraiso para sa kanila ang Pilipinas na may 7,641 na isla na binubuo ng buong archipelago ng bansa. Ang Pilipinas daw kasi ay puno ng eksotikong mga bagay maging ng mga karanasan. Napakaraming beaches, aktibo ang mga water sports at recreational activities, masasarap ang mga pagkain at kung nais na mabisita ang Metro Manila ay madali lang at mura pang puntahan.


Karamihan sa foreigners ay sa probinsiya namimirmihan, nakakabili ng lupain at nagtatayo ng sariling mga bahay. Ang buhay din sa probinsiya ay mabagal pero nakakaaliw. Perpekto sa mga foreigner na nais mag-relaks, mamahinga, magpasarap ng pakiramdam at makalanghap ng sariwang hangin mula sa kabundukan o dagat. Mas palakaibigan ang mga taga-probinsiya, lahat mababait at matulungin. Madali silang magbigay ng tulong lalo na sa kapitbahay na nangangailangan, buhay na buhay ang ugaling bayanihan. Siyempre, dahil sa kolonyal na mentalidad umano ng mga Pinoy, hospitable at maasikaso ang mga nasa probinsiya. Masayahin din ang mga nasa probinsiya. Tayo ang mga lahi na kahit siguro dumanas ng pinakamasaklap na delubyo ay nagagawa pa ng lahat ng ngumiti kahit kanino, dumaan man sa panahon ng taggutom at kahirapan na maabot ng tulong para sa relief operations. Mapamaraan ‘ika nga ang mga Pinoy.


Saan man makarating ang sinuman, lahat ng paninda ay napakamura. Huwag na sa Maynila, sa probinsiya kapag may barya kang dolyar ay marami nang mabibili. Para sa mga retiradong foreigner, pawang matahimik na lugar ang gusto ng mga ‘yan, walang katapusang bakasyon at maraming pagkain na sa ilang sulok ng isla lang ng Pilipinas nila natatagpuan. Ang Pinoy ay palakaibigan, kung minsan may libre pang pagkain kapag bumili ng isa.


Nakakabili ang mga dayuhan dito ng sariling condo unit at may available umano na Special Resident Retirement Visa. Kapag magpapa-check up sa doktor ay P300 lang o wala pang $4 ang halaga, maging ang gamot ay may nabibiling generic sa halagang P1.50 lang, nakagagaling na. Kaya nga kahit ang mga Pinoy na matagal nang nagtatrabaho sa ibang bansa, “nangangarap” ding makabalik sa Pilipinas, isang araw. Kung makaiipon nga naman ng milyun-milyong halaga ng pinaghirapang suweldo sa ibayong-dagat, dito na rin muli pipiliing ipagpatuloy ang normal at maalwang buhay. Parang walang kaparis ang maaliwalas, masaya at pagiging natural na ugali ng kapwa Filipino. May kukuwestiyon pa ba sa mga foreigner kung bakit pinipili nilang manirahan sa tinataguriang Pearl of the Orient Seas?


Sinang-ayunan ni Gerard Reforma, writer, teacher, marketing man ang bagay na iyan, aniya, talagang mura lang ang bilihin sa Pilipinas. Kung may $1.00 lang ang tao roon sa U.S., ay P45 na rito sa Pilipinas. Halos maiikot na ang buong MM sa halagang iyan sakay lang ng jeep. Makaka-snack na sa burger chain na sikat din sa U.S. sa halagang $1 at may softdrinks at fries na.


Langit din sa sa mga dayuhan ang mga magagandang isla. At dahil marami ang nakapagsasalita ng Ingles ay madali sa kanila na manirahan dito. Mapagmahal sa kalayaan ang lahing Pinoy, may demokrasya at pareho na rin sa U.S.


Hindi na maikakaila iyan, ang Pilipinas ngayon ang pinakamagandang lugar para manirahan ang mga retirado at hindi lang matatandang foreigner kundi mga kabataan na rin na ung iba ay napakarami nang vlog at mahuhusay pang magsalita nang wikang Bisaya at iba pang dayalekto. Kung marami man ang umaalis na Pinoy para mangibang-bansa, dumarami na rin ang foreigners na bumibili ng lupa at bahay para dito na ilaan ang konting panahon ng buhay, paraiso at langit sa kanila ang bansa. Mabuti o masama man ang impresyon ng ibang dayuhan, hindi na maikakaila ang pagdami nila sa bansa. Marami na sa kanila ang nagtatayo ng negosyo rito at nakatutulong sa mga walang trabahong Pinoy.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page